DREAM come true para sa Clique V ang magkaroon ng album at concert kaya naman ginagawa nila ang lahat para maibalik ang tiwalang ibinigay sa kanila ng 3:16 Events and Talent Management Company.
Ibinubuhos nina Karl, Marco, Sean, Josh, Clay, Tim, at Rocky ang kanilang oras sa pagpa-praktis ng kanta, sayaw, at pag-arte para hindi naman masayang din ang tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng kanilang management.
Nagdesisyon din silang hindi muna mag-girlfriend para mas mapagtunan ng pansin ang ginagawang paghahanda sa nalalapit nilang concert.
Anang grupo, nais nilang mapagbuti muna ang kanilang career at i-focus sa debut album at concert ang kanilang oras.
Kaya nga kahit wala silang lovelife, happy sila at naniniwalang magiging memorable ang buwan ng Pebrero.
Kamakailan, inilunsad ang kanilang debut album na ang carrier single ay ang kantang Pwede Ba, Teka Muna na komposisyon si Joven Tan. Kasama rin ang mga kantang Ako Nalang Sana, Bakit Hindi, Magmula Ngayon, Mabuti Nalang, at Sana Naman.
Sa February 27 naman gagawin ang kanilang first major concert sa Music Museum.
“Sa album po, they can listen to our songs na puro original and sa concert naman po mag-i-enjoy sila kasi hahataw naman kami sa sayaw and siyempre kakanta rin ng live,” masayang pahayag ng Clique V.
Ang Clique V ay Gawad Musika 2017 awardee bilang Oustanding Boy Band sa katatapos na 37th Year Ender Top Consumers Choice Award noong Disyembre 16, 2017.