INIHAYAG ng Sanofi kamakalawa, hindi na nila ibabalik ang bayad sa gobyerno para sa mga hindi nagamit na Dengvaxia vaccine.
Pero nanindigan si Presidential Spokesman Harry Roque, hindi pa lusot ang Sanofi sa pananagutan sa Dengvaxia scam.
“Let us not make any conclusion either way. And I’m also appealing to even some members of the government, wala pa pong final findings ang NBI, antayin po natin iyan. No one is responsible and yet, no one is off the hook at this stage. Dream on, Sanofi!” aniya.
Ang pagbawi ng Sanofi sa kanilang unang pahayag na ire-refund ang pera ng gobyerno ay dahil kailangan pa umano ng masusing pag-aaral at imbestigasyon upang magkaroon ng konkretong solusyon kung may pananagutan o wala ang French pharmaceutical company sa kontrobersiyal na P3.5 bilyong dengue immunization program ng pamahalaan.
Inamin kasi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Rolando Enrique Domingo sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ukol sa Dengvaxia nang siya ay tanungin ni Rep. Estrellita Suansing kung mayroong pananagutang kriminal ang Sanofi sa naturang kontrobersiya.
Sa kasalukuyan, ayon kay Domingo, ay nais muna nilang tapusin ang isinasagawang imbestigasyon upang magkaroon ng konkretong resulta sa pagsasampa ng kaso kung sino ang dapat panagutin.
Mismong si Health Secretary Francisco Duque III ay aminadong ang inilabas na findings ng UP-PGH ay preliminary at kung bubusisiin ang nilalalaman ng naturang report nakasaad na kailangan pa ang malalimang pag-aaral.
Sa resulta ng pag-aaral, sa 14 batang namatay na pawang naturukan ng Dengvaxia ay tatlo ang may dengue virus. Kaya patuloy na naninindigan si Sanofi Asia-Pacific head Thomas Triomphe na walang konkretong ebidensiya na nagtuturo na ang dahilan ng kamatayan ng mga bata ay Dengvaxia.
Noong Abril 2016 sinimulang ilunsad ng DOH ang bakuna sa public schools na mayroong naitalang mataas na bilang ng mga insidente ng dengue.
Ipinahinto noong Nobyembre ni Duque ang naturang bakuna matapos aminin ng Sanofi na may masamang epekto ang bakuna sa mga hindi pa nadadapuan ng dengue.
Paano na Secretary Duque?
Tuluyan na bang mati-TY ang P3.5 bilyones para sa kalusugan ng mga batang Pinoy?!
Aba, lalong magagalit niyan si PAO chairperson Atty. Percida Acosta?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap