BABALIK sa kulungan si Sen. Antonio Trillanes IV kapag hindi pa rin sumipot sa ikalimang preliminary investigation (PI) sa Pasay City Prosecutor’s Office sa kasong 4 counts of sedition, proposal to commit coup d ‘etat na isinampa laban sa kanya ng grupo ng mga abogado.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Labor Undersecretary Jing Paras, sa ikaapat na pagkakataon ay hindi sumipot si Trillanes sa PI ng mga kasong inihain nila laban sa senador.
Binigyan aniya si Trillanes ng hanggang 25 Pebrero para dumalo sa ikalima at huling PI bago maglabas ng rekomendasyon kung may “probable cause” ang mga kaso laban sa senador.
Kapag nagpasya aniya ang hukom na may probable cause ang mga kaso ay maglalabas ng warrant of arrest laban senador.
Naniniwala sina Paras at mga abogadong sina Glenn Chong, Eligio Mallari, Nestor Ifurung at Nasser Marohomsalic na wala talagang mai-pipresentang ebidensya si Trillanes sa mga akusasyon niyang may nakaw na yaman sina Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Kombinsido sila na fishing expedition ang ginagawa ni Trillanes at kaya niya isinusulong ang Senate probe laban kay Pangulong Duterte ay para roon siya kumuha ng ebidensiyang isusumite sa Pasay City.
Matatandaan, inakusahan ni Trillanes si Duterte na may P2 bilyong ill-gotten wealth at sa isang talumpati ay hinimok ang mga sundalo na tadtarin ng bala ang Commander-in-Chief dahil hindi umano totoo na P40 milyon lang ang pera sa bangko.
(ROSE NOVENARIO)