HINDI itinanggi ni Carlo Aquino ang nararamdamang pressure sa pelikula nila ni Bela Padilla titled Meet Me in St. Gallen na showing na sa February 7. Mula sa pamamahala ni Direk Irene Villamor, ito’y isang romantic-drama movie mula sa Viva Films at Spring Films nina Piolo Pascual at Direk Joyce Bernal.
Esplika ni Carlo, “Kasi nga romantic-drama, tapos ako ang bida. Although natetensiyon ako, I’m happy sa akin napunta ang role na Jesse, kasi challenging siya. Mahilig ako rito sa music, kumanta, pero ang gusto ng dad ko (Nonie Buencamino) ay mag-doktor ako. Then I met Bela na kare-resign lang sa trabaho and we talked seriously about our lives. May koneksiyon agad between us.
“Ito kasing Meet Me In St. Gallen, about sa dalawang tao na may predicament tapos ay nagkaroon ng instant connection na hindi nila ine-expect. Tapos, para kasing… sa panahon ngayon, napaka-importante ng human connection, e. Kasi, mas mararamdaman mo ang sincerity ng isang tao kapag kaharap mo, kausap mo. Lalo na ngayon na usong-uso na iyong social media. E ako kapag nag-Facebook, kaya kong mag-Facebook nang matagal, e.
“Iyon siguro ang ipinararating ng pelikula namin, importante talaga iyon.”
Idinagdag ni Carlo na may mga adjustment pa siyang dapat gawin at matutuhan sa pagiging leading man sa ganitong klase ng pelikula. “Hindi kasi ako ganito e, hindi sanay na nag-aayos…Ano lang ako e, white T-shirt, maong, rubber shoes. So, kabilang ito sa adjustment. Kasi usually ay lagi akong nasa drama, family drama… pero first time lang itong romantic-drama movie. Kaya nga kinakabahan ako, e,” nakangiting saad ni Carlo.
Hindi rin daw niya ikino-consider ang sarili na isang heartthrob. “Hindi e, gusto ko lang umarte, gusto ko lang i-enjoy ito. Sobrang ine-enjoy ko lang (ang trabaho), hindi ko na iniisip na kailangan kong magpaguwapo. Sila na lang siguro ang bahala roon, hahaha!” Nakatawang pakli ng aktor.
May pressure ba dahil sa success ng last movie ng Spring Films na Kita Kita? “Sa lahat naman ng ginagawa ko ay hindi nawawala iyon, e, lagi akong mayroong kaba, laging may pressure. Pero siyempre, ine-enjoy ko lang ang mga sandaling ganito.”
Bakit ka kinakabahan? “Iyong expectations ng tao, siyempre iyon nga, katulad ng… malaking-malaking pelikula kasi iyong Kita-Kita, e, kaya ayun.”
Pinuri rin ni Carlo ang leading lady niya sa pelikula. “Masarap katrabaho si Bela, kasi mapagbigay siya sa eksena. Hindi siya umaalis sa set at nandoon lang siya para umalalay kahit hindi na siya kasali sa eksena. She really supported me and for that, I’m thankful.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio