TINIYAK ng Palasyo, ang gobyerno at hindi non-government organization (NGO) ang magsasampa ng kaso laban sa mga responsable sa Dengvaxia scam.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque kahapon, ang pakiusap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko, hintayin matapos ang isinasagawang imbestigasyon ng Department of Health, Department of Justice at Senado bago gagawa ng legal na hakbang ang kanyang administrasyon.
Nakasalalay aniya sa resulta ng mga pagsisiyasat ang kalusugan ng mga batang naturukan ng anti-dengue vaccine at para sa kapanatagan ng isip ng kanilang mga magulang.
“Ang pakiusap lang ng Presidente at ng Palasyo, hayaan muna nating tapusin ng DoJ at ng DoH ang imbestigasyon nila dahil nakasalalay sa kanilang imbestigasyon siyempre iyong kalusugan ng mga batang naturukan at saka siyempre iyong peace of mind ng kanilang mga magulang,” ani Roque.
Batay sa ulat, may 26 bata na ang namatay makaraan maturukan ng Dengvaxia.
Noong Disyembre 2017 ay ipinatigil ng DoH ang paggamit sa Dengvaxia makaraan aminin ng kompanyang Sanofi, gumawa ng anti-dengue vaccine, na mapanganib ito kapag naiturok sa batang hindi pa nagkakaroon ng dengue.
(ROSE NOVENARIO)