BUMALIK sa bansa at ikanta ang lahat ng nalalaman kaugnay sa pork barrel scam.
Ito ang panawagan ng Palasyo kay dating Budget Secretary Mario Relampagos na tinakasan ang mahigit 300 kasong may kaugnayan sa pork barrel scam matapos payagan ng anim sa pitong division ng Sandiganbayan na magtungo sa US noong nakaraang buwan.
“Well, kung ikaw ay inosente, bumalik ka at linawin mo ang iyong pangalan. Pero ang mga tumatakbo ay usually umaamin na sila ay guilty. Ikanta lang naman niya kung ano talaga ang nangyari doon sa nakaraang administrasyon, at titingnan naman natin kung mayroong mga pamamaraan na mabawasan ang kaniyang pananagutan. Pero ngayon, flight is evidence of guilty,” ani Roque sa puganteng si Relampagos.
Kamakalawa, naglabas ng resolusyon ang Sandiganbayan na nag-utos sa Department of Foreign Affairs na kanselahin ang pasaporte ni Relampagos.
Inutusan din ng Sandiganbayan Seventh Division ang Ombudsman na simulan ang extradition proceedings laban kay Relampagos.
Matatandaan, pinahintulutan ng Sandiganbayan na magpunta sa US si Relampagos mula 2 Disyembre 2017 hanggang 1 Enero 2018 upang dumalo sa meeting ng The International Consortium on Governmental Financial Management at para dalawin ang kanyang anak na babae at tatlong apo.
Si Relampagos ang itinurong kasabawat nina pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles at iba pang akusado sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) anomalies.
ni ROSE NOVENARIO
Tumanggap ng P5-M
campaign funds
EBIDENSIYA VS
DRILON HAWAK
NI NAPOLES
MAAARING may hawak na ebidensiya si pork barrel scam queen Janet Lim Napoles para patunayan ang alegasyong nagbigay siya kay Sen. Franklin Drilon ng P5-M campaign funds noong 2010 elections.
“Obviously, Janet Lim Napoles is the central figure in this scam. Let her speak, and I’m sure that in addition to what she has to say, she would have physical evidence to back up whatever it is that she alleges,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Sinabi ni Roque, dapat papanagutin sa batas ang mga politikong nagkamal sa pera ng bayan, alyado man o hindi ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Wala aniyang ibang hinangad ang kasalukuyang administrasyon kundi mahanap ang katotohanan sa pork barrel scam.
(ROSE NOVENARIO)