NAGIMBAL ang isang babae sa China makaraang madiskubre sa kanyang pilik-mata ang 100 parasitiko na naninirahan dito.
Kinilala ang babae sa kanyang apelyidong Xu, na dumalaw sa isang ospital sa lungsod ng Wuhan sa central Chinese province ng Hubei para ireklamo ang matinding pangangati ng kanyang mga mata.
Aktuwal na ipinaliwanag sa mga doktor na namumula at iritado ang kanyang mga mata sa nakalipas na dalawang taon ngunit tinangkang pagalingin sa pamamagitan ng mga over-the-counter eye drops.
Matapos magkaalaman sa hygiene habits ng babae, inamin niyang hindi siya nakapagpalit at nakapaglilinis ng kanyang higaan sa nakaraang limang taon, at ang totoo’y ang ginagamit niyang unan ay simula pa noong taong 2012.
Ayon naman sa mga doktor, ang kombinasyon ng hindi paglalaba ng pillow case at kakulangan ng pagdaloy ng hangin sa loob ng silid ni Xu ang nagbigay-daan para manirahan at dumami ang mga parasitiko sa nakababahalang antas.
Blepharitis o pamamaga ng mga pilik-mata ang naging diagnosis sa babae at conjunctivitis (pamamaga ng ibabaw ng mata) ngunit sinasabing nakare-recover na rin makaraang sumailalim ng treatment sa ospital.
ni Tracy Cabrera