IBINASURA na ng Kaharian ng Saudi Arabia ang ilang-dekadang batas na nagbabawal sa mga sinehan bilang bahagi ng lumalawig na liberalisasyong inisyatiba ni Crown Prince Mohammed bin Salman, na sadyang yumanig sa ultra-conservative na Muslim kingdom.
Ayon sa pamahalaan ng Saudi, sisimulan na nilang magbigay ng lisensiya sa mga sinehan at inaasahang magbubukas ang unang movie theaters sa nalalapit na buwan ng Marso.
Ang deissyon na ito’y magpapaigting umano sa natutulog na industriya ng pelikula sa nasabing bansa. Ang pagbubukas ng mga sinehan ay kumakatawan sa mahalagang ‘paradigm shift’ sa kaharian, na ang layunin ay balansehin ang mga hindi popular na subsidy cuts sa panahon ng bumababang presyo ng langis para pagtuunan ang entertainment options sa kabila ng oposisyon mula sa mga Muslim hardliner na bumabatikos sa mga sinehan, teatro at maging mga pelikula at ang pinilakang tabing bilang bulgar at makasalanan batay sa mga aral ni Propeta Mohammed at sa banal na aklat na Quran.
“Commercial cinemas will be allowed to operate in the Kingdom as of early 2018, for the first time in more than 35 years,” opisyal na pahayag ng culture and information ministry ng Saudi.
“This marks a watershed moment in the development of the cultural economy in the kingdom,” binanggit dito mula sa sinabi ni Information Minister Awwad Alawwad kamakailan.
Sinasabing magkakaroon ng mahigit 300 sinehan ang Saudi Arabia—na may mahigit 2,000 screen—sa pagsapit ng taon 2030, para mapaangat ang movie industry na maaaring makalikom ng aabot sa US$24 bilyong kontribusyon para sa ekonomiya, dagdag ng ministry.
Tulad ng karamihan ng mga pampublikong lugar sa Saudi Arabia, inaasahang magiging hiwalay batay sa gender ang mga sinehan o dili kaya’y magtatakda ng hiwalay na bahagi para sa mga magkakapamilya.
ni Tracy Cabrera