IIMBESTIGAHAN din ng Camara de Representantes ang kaugnay sa kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine.
Inihayag ng minorya sa mababang kapulungan na maghahain sila ng re-solusyon para paimbestigahan ang multi-bilyong pisong halaga ng biniling Dengvaxia dengue vaccine.
Nais ng mga mambabatas na malaman at ng buong bayan kung sino ang may kasalanan o nagkulang dahil may mga buhay na nalagay sa panganib at dapat panagutin ang mga responsable rito.
Maging ang Makaba-yan bloc ay nakatakda rin maghain ng resolusyon para paimbestigahan ang Dengvaxia deal.
Ang panawagang imbestigasyon ay bunsod ng pahayag ng Sanofi Pasteur na posibleng maging sanhi ng “severe” case ng dengue ang gamot kung itinurok ito sa hindi pa dinadapuan ng virus.
Ngunit iginiit rin ng Sanofi na hindi awtomatikong magiging sanhi ng severe dengue ang gamot.
Samantala, nagpalabas ng pahayag ang World Health Organization (WHO), inilinaw na hindi nila inirekomenda ang paggamit ng Dengvaxia vaccine para sa immunization programs.
Binili ng gobyerno, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III, ang bakuna at sinimulang ibigay sa public school children noong 2016.
Sinabi ng Department of Health, 733,000 school children na ang nabigyan ng bakuna.
Sa naturang bilang, 200,000 ang nabigyan na ng tatlong doses.
Idinagdag ng DoH, 70,000 bilang ng nabakunahan ng Dengvaxia ay hindi pa nagkakasakit ng dengue bago ito itinurok sa kanila.
(JETHRO SINOCRUZ)