JACK of all Trades talaga si Coco Martin dahil bukod sa pagiging aktor, direktor, creative consultant, at producer ay may bago na naman siyang pagkaka-abalahan, ang conceptualization ng mobile game application.
Noong Sabado, Oktubre 28 ay inilunsad sa SMX Convention Center ang Ang Panday Mobile Game Application na idinevelop ng Synergy88 and Co-Syn Mediatech Inc at ang partners ni Coco rito ay sina Elize Estrada (managing partner/co-founder), Jackeline Chua (Managing Director), at Miker Rivero (Senior Manager for Business Development).
Kuwento ng aktor, ”nagsimula po ang ideang ito na mag-combine ang Co (Coco) Syn (Synergy88) kasi habang ginagawa ko ‘yung ‘Ang Panday,’ naghahanap po ako ng magaling gumawa ng animation and then sinabi po nila (Synergy), ‘mayroon magaling gumawa ng games baka gusto mong tingnan.’
“Tapos noong ipinakita po nila sa akin, sabi ko, ‘ang galing ah, kaya na pala ng Pinoy ito’ kasi hindi naman ako ganoon ka-updated sa sobrang busy ko kaya hindi ko alam na ang galing na pala gumawa ng Pinoy. Sabi ko, kaya pala nating magkuwento thru games at animation.
“Tapos doon na nga po nag-start, ipinagawa ko ‘yung animation ng ‘Ang Panday’ sa kanila (Synergy88) tapos habang nagmi-meeting kami, nagbibigay ako ng mga idea tungkol sa takbo ng kuwento ng ‘Panday’ tapos in-offer nila ako na, ‘what if mag-collaboration tayo na mag-isip ka ng konsepto mo tapos gagawin naming games.’
“Sabi ko nga, simulan natin sa ‘Panday’ kasi ang ‘Panday’ ang kauna-unahang super hero na original na nilikha ng Pinoy na talagang wala tayong pinaggayahan kaya hayun, nag-collaborate kami tapos ako nagsabi kung ano magiging role ni Panday, ano magiging susuotin, sword o weapons niya, ‘yung strategy. Sabi ko, ang games habang naglalaro ka, dapat may kuwento, may sinusundan, may misyon.”
Ganito kataba ang utak ni Coco ayon mismo sa partners niya at hindi lang ang Ang Panday ang ginagawa na ngayon ng Co-Syn kundi nagpagawa na rin ng game apps ang La Luna Sangre at bumubuo na rin ng singers na kunwari may ka-duet ka.
“May iba pa akong konsepto na binubuo pa namin, kasi noong araw bago mo gawin ang pelikula, nagsisimula sa komiks, why not baliktarin natin this time?
“Bubuo ako ng concept ko, gawin muna nating games since ang mga kabataan ngayon kapag naiinip at walang magawa at lahat naman halos ay may mga cellphone kaya doon natin simulant sa games at saka natin itawid sa pelikula,” pagkukuwento pa.
Madali lang i-download Ang Panday game apps sa Google Play dahil hindi ito mabigat na isinabay sa bagal ng internet sa Pilipinas.
Sabi naman ng isa sa co-founder ni Coco na si Elize, ”puwede siyang malaro maski hindi naka-connect sa internet basta’t na-download na.”
As usual, ang target market ng Ang Panday Mobile Game ay ang mga kabataan ngayon na mahilig maglaro at sabi nga ng bida, ”mga bata kasi ngayon hindi na kilala si Panday kaya it’s about time na makilala nila sa pamamagitan ng pelikula at nitong game app.”
Hindi naman itinanggi ng Co-Syn na umabot sa 7 figures ang puhunan para mabuo ang nasabing game app.
Pagkatapos ng Q and A ay hiningan namin ng komento si Coco tungkol kay Apo Whang Od noong nagkita sila dahil kaya pala bumaba ng Maynila ang Traditional Tattoo Artist mula sa Kalinga Cordillera Mountain ay dadalo ng exhibit festival pero gusto niyang makita at makilala ng personal ang aktor.
“Nahiya nga ako kasi pagdating niya pagod na pagod siya kasi nga isinakay pa siya ng helicopter tapos na-trapik siya rito sa Manila. Pero nakatutuwa kasi kahit paano may napasaya kaming tao na nagkita lang kayo. Ako naman nahihiya ako sa kanya, hindi ko alam kung paano ko siya i-e-entertain, pero noong medyo tumagal-tagal na, ‘yun nagloloko na siya, nagbibiro na kaya nakatutuwa,”masayang sabi ni Coco.
Certified Coco Martin follower si Apo Whang Od kaya naman walang mintis ang panonood niya ngFPJ’s Ang Probinsyano kaya pagpatak ng 6:00 p.m.ay wala na siyang ginagawa at kailangan nakapag-hapunan na rin siya bago manood ng aksiyon serye ng aktor.
Ayaw kasi ni Apo Whang Od ng inaabala kapag nanonood siya ng FPJAP, kuwento mismo ng apo nito sa kaibigan naming si Vicky Solis noong dumayo siya sa Kalinga para magpa-tattoo.
Naikuwento rin ni Coco na nagpasabi siyang dadalawin niya si Apo Whang Od sa Kalinga pagkatapos nitong mag-shoot ng Ang Panday.
“Sabi ko nga nahiya ako kasi siya ang pumunta rito sa Manila kasi sabi ko pagkatapos ko ng ‘Ang Panday,’ maglalaan ako ng isang araw para puntahan siya. Eh nauna siyang magpunta sa akin dahil mayroon siyang exhibit dito. And then finally nagkita na kami, sabi ko sa kanya ako naman ang dadalaw sa kanya roon,” nakangiting kuwento ni Coco.
At nagulat si Coco na ang lakas-lakas pa ni Apo Whang Od gayung 100 taong gulang na siya.
“Nagulat ako kasi 100 years old na siya pero sobrang lakas niya pa. Tapos noong papakainin namin siya, siyempre in-order-an namin siya baka gusto niya ng fish at saka vegetable, ang kinain lang niya rice at saka water at salt. Yun lang. Siguro ‘yung mga pagkain nila roon healthy tapos ‘yung walang stress, lagi lang silang masaya roon. Sabi ko nga ‘yun pala ‘yung way para humaba ang buhay,” kuwento ng aktor.
Inalam din namin kung nakapagpa-tattoo siya.
“Hindi nga eh, hindi niya ako na-tattoo-an kasi una pagod na pagod na siya kaya hindi na niya na-ano pa (kinaya). Pero oo naman (gusto ko magpa-tattoo sa kanya) kasi kakaibang experience ‘yun. ‘Yung design naman siya kasi nag-de-decide kung ano ‘yung nakikita niya para sa iyo na ita-tattoo niya. Pero sabi niya warrior eh, may sinasabi siya ng parang warrior,” say ng aktor.
At ang pabaon ni Coco kay Apo Whang Od bago bumalik ng Kalinga, ”may binigay ako sa kanyang parang remembrance lang na kuwintas at saka hikaw. Basta binigyan ko siya ng terno kasi ‘di ba mahilig siya mag-lipstick? Eh nag-iisip ako kung anong magandang iregalo sa kanya.”
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan