ISANG jail guard ang nasa kritikal na kalagayan nang barilin sa mukha at agawan ng armalite ng anim na presong nahaharap sa mabibigat na kaso ang pumuga mula sa Laguna Provincial Jail, nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay Rommel Palacol ng Laguna Action Center, ang anim preso ay gumamit ng matatalas na bagay at cal. 38 handgun para makatakas mula sa pasilidad.
“Dito po ito sa Laguna Provincial Jail, nagkaroon po nang biglaang pagpuga po ng anim na preso. Na-overpower po ‘yung ating mga jail guard,” pahayag ni Palacol.
“Naunahan po ng tutok ng baril po at saka ng matatalas na bagay kaya nakatakas po ‘yung ating anim na preso at nagkaroon po ng pagkakasugat po o ng malalang kalagayan ‘yung isang jailguard ho natin na nabaril po,” dagdag niya.
Kinilala ni Palacol ang sugatang jail guard na si Norberto Malabanan, na binaril sa mukha. Inagaw ng mga preso ang kanyang M-16 rifle.
“Siya po ay tinamaan ng bala sa parteng mukha. Ito po ay hindi tumagos. Yaong bala nananatili sa pagitan ng cheek bone niya, hindi naman tumagos sa utak, pero nanati-ling nasa malubhang ka-lagayan po siya ngayon,” aniya.
Si Malabanan ay nila-lapatan ng lunas sa Laguna Medical Center.
Ang mga nakapuga ay kinilala ni Palacol na sina Randell Valle y Bucal mula sa Bulihan, Laguna (murder); Rio Mahilon y Amihan mula sa Caloocan City (illegal possession of firearms); Reyman Reymundo y Caparas mula sa Biñan, Laguna (murder); Teddy Bucal y Sarte mula Mabitac, Laguna (murder); Rommel Macaraig y Esmer mula sa San Pablo, Laguna (carnapping), at Borgias Dizon y Daldi mula sa Biñan, Laguna (possession of illegal drugs).
Ang mga suspek ay sumakay sa inagaw na Toyota Revo at pagkaraan ay inabandona ang sasakyan sa Los Baños.
Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang mga pugante, sa koordinasyon ng local government units sa ka-lapit na mga lalawigan.
ni BOY PALATINO