PUMALAG si House Speaker Pantaleon Alvarez makaraan tawagin ng kampo ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na kangaroo court ang Kamara kaugnay sa pagdinig ng impeachment complaint ng House Committee on Justice.
Paliwanag ni Alvarez, “unfair” din ang pagtawag na lutong-Macau ang proseso ng impeachment complaint laban kay Sereno gayong hindi pa nagsisimula ang pagdinig ng komite para determinahin ang probable cause.
Resbak ni Speaker, mahina ang depensa ni Sereno kung kaya dinadaan nila sa propaganda ang usapin.
Kapag nakompleto na ang proseso sa Kamara ay saka ito iaakyat sa Senado sa pamamagitan ng “article of impeachment.”
“Hindi pa tayo nag-uumpisa. Huhusgahan na agad nila ng lutong-Macau, para bang… alam ninyo kapag mahina ‘yong depensa mo, ay ikino-condition mo ‘yong utak ng tao,” arya ni Alvarez.
Hamon ngayon ni Alvarez kay Sereno, dumalo sa pagdinig ng House Committee on Justice upang makompronta ang mga nag-aakusa sa kanya gaya ni Atty. Larry Gadon na siyang naghain ng impeachment complaint.
(JETHRO SINOCRUZ)