Forty percent of the total barangay captains are into drugs. That’s my problem.
— President Rodrigo Roa Duterte
PASAKALYE:
Belated happy birthday sa ating kaibi-gang dating chairman ng Commission on Elections Benjamin Abalos.
May you have more birthdays to come…
KAUGNAY ng pagpapaliban ng halalan sa mga barangay sa Mayo sa susunod na taon, naging pananaw ni Muntinlupa representative Rozzano Rufino Biazon na sapat na ang panahong ibinigay sa postponement nito para matiyak ng mga botante kung sino ang nararapat na ihalal nila bilang mga opisyal ng kani-kanilang barangay.
Ito man ang naging pananaw ng mambabatas, inihayag niyang pabor siyang buwagin na ang mga barangay dahil nagagamit lamang ng ilang politiko para sa pagsulong ng sarili nilang pakinabang o kapakanan.
Sa Kapihan sa Manila Bay media forum sa Café Adriatico sa Malate, Maynila, ipinaliwanag ni Biazon ang kanyang paniniwalang nagiging ugat din ng paghihirap ng publiko ang pakikilahok ng mga barangay sa mga transaksiyon ng pamahalaan, tulad ng pagkuha ng business permit na kadalasan ay kakailanganin pa ng isang negosyante na kumuha ng permit mula sa kanyang barangay bukod sa mayor’s permit mula sa pamahalaang lungsod.
May mga naniniwala na ang mga barangay ay nagsisilbing kasangkapan ng mga politiko para maprotektahan ang kanilang pananatili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pabor sa mga opisyal ng barangay sa layuning magkaroon ng utang-na-loob mula sa opisyal ng lokal na pamahalaan.
Anila, maraming pagkakataon na ang mga barangay ay nagiging baluwarte ng isang incumbent official tulad ng mayor at gobernador dahil nabigyan ng pabor habang ang iba naman ay napipilitang sumuporta sa nasabing opisyal dahil kapag nangyari ito ay iipitin ang kanilang pondo.
Sa nasabing mga usapin, ipinunto ni Biazon na kahit walang barangay ay hindi magiging problema ito ng sambayanan dahil magpapatuloy pa rin ang pagkakaroon ng itinakdang gobyernong mamamahala sa buong bansa para ipatupad ang batas sa ilalim ng Saligang Batas.
Binanggit ng kinatawan ng Muntinlupa na sa ibang mayayamang bansa ay walang masasabing katulad na yunit ng gobyerno ang mga barangay ngunit hindi ito nakaantala sa pagsulong ng kanilang bansa.
***
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o dili kaya’y i-text n’yo sa cellphone numbers 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!