NALUNGKOT kami nang mapanood ang official trailer ng pelikulang Seven Sundays ng Starcinema na pinagbibidahan nina Aga Muhlach, Dingdong Dantes, Enrique Gil, at Cristine Reyes dahil tungkol sa pamilya na nawalan na ng ina at mawawalan na rin ng ama na gagampanan ni Ronaldo Valdes.
Naalala kasi namin ang nanay naming iniwan kami 14 years na ang nakararaan.
Nang malaman naming balik-pelikula na si Aga ay napaisip kami kung ano ang karakter niya at kung ano ang kuwento ng Seven Sundays dahil kilala naming namimili ng proyekto ang aktor lalo na ngayon na dapat niyang paghandaan ang pagbabalik niya sa pelikula.
Bukod dito ay alam din naming siyempre bida si Aga dapat dahil premyadong aktor siya sa hindi mabilang na pelikulang nagawa na niya noon pa at nasanay kasi kami na kapag Aga Muhlach movie, siya ‘yung pinaka-poste.
Mali kami dahil base sa trailer na napanood namin sa Seven Sundays ay si Valdez ang poste at iikot ang kuwento sa mga anak niyang mga pasaway na sina Aga, Dingdong, Enrique, at Cristine.
Si Ronaldo na ama ng mga nabanggit ang natitirang buhay at hindi nadadalaw ng magkakapatid simula noong mawala ang ina nila, kaya ang dialogue ng una noong dumalaw siya sa puntod ng asawa, ”kaya siguro hindi na dumadalaw ang mga anak mo kasi wala na ‘yung niluluto mong pansit.”
Masakit para sa isang ama na hindi na siya naaalala ng mga anak kaya siguro gumawa siya ng dahilan o baka naman totoo na malapit na siyang mamatay para lang puntahan siya ng mga anak.
At kaya siguro Seven Sundays ay ito ang takdang araw na buhay pa si Ronaldo na linggo-linggo siyang dadalawin ng mga anak sa loob ng pitong beses.
Parang hawig ang Seven Sundays sa kuwento ng seryeng The Greatest Love ni Sylvia Sanchez na gumawa rin ng kuwento na malapit na siyang mamatay para lang puntahan siya ng mga anak na sina Matt Evans, Aaron Villaflor, Andi Eigenmann, at Dimples Romana.
Going back to Seven Sundays na marami ang makare-relate rito lalo na sa mga anak na pansamantalang hindi na naalala ang magulang dahil busy lahat sa trabaho.
Mapapanood na ang Seven Sundays sa Oktubre 11 mula sa direksiyon niCathy Garcia-Molina na hindi pa naman nawawala ang bilib namin sa kanya dahil kapag siya ang nagdirehe, sigurado kaming maganda at blockbuster.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan