TINATAYANG P24-milyong halaga ng regulated drugs na Cytotec 200 mcg at Augmentin BID 625 ang nasakote at kinompiska ng Bureau of Customs (BoC) na itinangkang palusutin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 mula sa Singapore ng isang lalaking sinabing anak ni dating Senador Ramon Revilla Sr., at kasamang lalaki, nitong linggo ng gabi.
Kinilala nina NAIA Customs district collector Ed Macabeo at Customs police head Reggie Tuason ang dalawang pasahero na sina Glenmore Gaddi ng Pampanga at Reuben Bautista, ang sinabing anak ni Revilla Sr.
SINAMPAHAN ng kasong smuggling ang anak ni dating Senator Ramon Revilla Sr., na kinilalang si Reuben Bautista ng Cavite at kasamang si Glenmore Gaddi ng Pampanga dahil sa pagpupuslit ng P24-milyong Cytotec 200 mcg at Augmentin BID 625, ilang uri ng regulated drugs mula sa Singapore. (Grab mula FB ni Raoul Esperas)
Sina Bautista at Gaddi ay dumating sa terminal 3 nitong Linggo ng gabi sakay ng Singapore Airlines flight SQ 918 dakong 11:00 pm pero hindi idineklara ang dala nilang 70,000 tableta ng Cytotec 200 mcg at 30,000 Augmentin BID 625.
Ayon sa customs examiner on duty, tinanong nila ang dalawa kung mayroon silang idedeklara pero sinabi nilang wala, kaya inimbitahan sila para inspeksiyonin ang kanilang luggage.
Natagpuan nila ang 70,000 tableta ng Cytotec at 30,000 Augmentin sa isang check-in luggage nang walang import permit mula sa Bureau of Food and Drugs.
Isasailalim sa inquest proceedings sina Bautista at Gaddi habang ang mga nakompiskang gamot ay isusuko sa BFAD. (JSY)