HINDI ligtas ang isang mataas na opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa akusasyong tumanggap ng payola bilang bahagi ng operasyon sa grupo ng Customs sa Davao.
Ang pangalan ni Alex Capuyan, MIAA assistant general manager for security and emergency services, ay nabanggit ni Customs broker Mark Taguba sa kaigtingan ng Senate Blue Ribbon Committee hearing ng P6.4 bilyong halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nakapuslit sa Customs kamakailan.
Ayon kay Taguba, ang grupo ni Capuyan sa Davao ay tumatanggap umano ng halos P10,000 bawat container.
Sinubukan ng ilang reporters na kontakin ang opisyal at pinuntahan ang kayang opisina sa NAIA terminal 1 para makuha ang kanyang panig kaugnay sa kanyang pagkakasangkot sa Customs Davao operations pero walang nangyari.
Inimpormahan ng kanyang staff ang media na nasa isang meeting ang naturang opisyal.
Dagdag ni Taguba, kinilala niya si Capunan na alyas “big brother” ng Davao group dahil siya umano ang gumagawa ng transactions. (JSY)