ISANG kakaibang polisiya ang ipinaiiral ngayon sa National Parks Development Committee (NPDC) at masasabing kauna-unahan na mangyayari sa anumang ahensiya ng pamahalaan – ang ‘No Gift Policy.’
Napag-alaman na isang malaking sign na nakalagay ang mga katagang ‘No Gift Policy’ ang ngayon ay sumasalubong sa mga nagtutungo sa tanggapan ni Penelope Belmonte, executive director ng NPDC.
Ayon kay Atty. Paul Saberon, legal chief ng NPDC, inilagay ni Belmonte ang naturang sign dahil sa walang tigil na pagdagsa sa kanyang opisina ng mga regalo at humihingi ng pabor na pawang taliwas sa tama at nararapat.
Minsan, aniya, ang mga nagtutungo ay may bitbit pang ‘padrino’ o regalo na ang layunin ay mapapayag si Belmonte sa kanilang kagustuhan ngunit napapahiya lamang sila.
Gayonman, naninindigan umano si Belmonte na ipatupad ang kanyang tungkulin nang naaayon sa kanyang prinsipyo at sa kautusan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na gawin ang tama at naaayon sa batas at alisin ang anomang uri ng korupsiyon sa gobyerno.
Sinabi ni Saberon na hindi na mabilang ang mga regalo at padrino na tinanggihan ng kasalukuyang pamunuan ng NPDC kaya’t nananawagan sila sa mga ‘may balak’ na huwag na itong ituloy pa.
Gayonman, bukas umano ang NPDC sa mga may ideya na maaaring makatulong sa ikagaganda ng mga pambansang liwasan o parke kung ibibigay nang walang hinihinging kapalit. (JSY)