DAPAT ibalik sa Filipinas ang Balangiga bells, ayon kay dating foreign affairs secretary Perfecto Yasay Jr., sa Tapatan sa Aristocrat, dahil dito mapapatunayan ng Estados Unidos ang kanilang respeto at tunay na pakikipagkaibigan sa sambayanang Filipino.
Ipinaliwanag ni Yasay, hindi dapat ituring ng mga Amerikano ang Balangiga bells bilang ‘war booty’ dahil hindi naman ginamit sa digmaan ang mga kampana.
“They are not spoils of war because they are religious icons. What the US government should realize is that there is a big risk not to return them to us,” punto ng dating kalihim.
Idiniin ni Yasay na mas makabubuti umano kung ibabalik ang tatlong kampana para makapagpatayo ng isang joint memorial sa Samar bilang paggunita sa mga kaganapan sa Balangiga na parehong bahagi ng kasaysayan ng Filipinas at Estados Unidos.
“If they are returned, it only confirms the friendship that supposedly exists between our countries that is based on mutual respect for sovereignty and dignity,” aniya.
Sinabi ng dating kalahim na hindi na dapat bigyang-pansin ang aspektong legal at moral sa pagmamay-ari ng Balangiga bells dahil mas mahalagang maipakita sa buong mundo ang naging resulta sa kontrobersiya.
“What matters is that from the ashes of Balangiga rose a better relationship between Filipino and Americans,” aniya.
Sa gitna nito, nagpahayag ng opinyon ang historical writer na si Jose Mario Alas na kapag hindi nagtagumpay ang administrasyong Duterte na mabawi ang tatlong kampana ng Balangiga, hindi na dapat pang umasang maibalik pa ito sa Filipinas.
“It’s now or never. If this does not happen now, it will ne-ver be returned to us,” babala ng self-taught historian.
(TRACY CABRERA)