MAAARING magapi ang Gilas sa darating na mga laban, ngunit hindi kailanman madadaig ang laban na nasa puso ng bawat manlalaro.
Iyan ang tiniyak ni Coach Chot Reyes papalapit sa FIBA Asia Cup at Southeast Asian Games sa welcome party at press conference na inihanda ng Chooks-To-Go para sa Gilas Pilipinas kamakalawa sa Marco Polo Hotel sa Ortigas, Pasig City matapos ang kabilib-bilib na laban sa 39th William Jones Cup sa Taiwan.
Pumang-apat ang Gilas sa Jones Cup sa 6-3 kartada ngunit higit pa ito sa inaasahan dahil sa pinakabata at pinakabagong koponan ng Filipinas ang ipinadala at nakuha pa rin makipagsabayan sa pinakamagagaling at pinakamaangas na koponan sa Asya.
Sa nahaharap na mas malaking laban sa FIBA Asia Cup sa 8-20 Agosto 2017 sa Lebanon at SEAG sa 19-30 Agosto 2017 sa Malaysia, idiniin ni Reyes ang ‘PUSO’ ng Gilas, tulad nang dati hanggang magpakailanman.
“Regardless of the… all of our problems, no one is going to outfought us, we’re not gonna outfought,” sambit ni Reyes.
Nakalaban ng Gilas sa Jones Cup ang ilan sa mga makakalaban sa FIBA Asia Cup, at karamihan ay mga pambato ng mga bansa ang ipinadala, bagay na taliwas naman sa Gilas. Gayonman, anoman ang problema at sinoman ang nasa harap, ibabandera ng Gilas ang bandila hanggang sa dulo.
“Winning is nice, getting a medal is nice, but hopefully you see the Gilas story — the strive, the story of every Filipino. That’s really what makes this team. This is what binds everybody together. Magkahirapan man, magkaproblema man, we’re just going to fight crazy,” dagdag niya.
“That’s the story of indomitable spirit,” pagtatapos niya.
Iyon nga ang nais ipamalas ng Gilas sa nalalapit nilang pagsagupa sa pinamalalakas na puwersa sa FIBA Asia gayondin sa pagdepensa sa trono sa Southeast Asian Games.
ni John Bryan Ulanday