NAKAIWAS sa kulelat na puwesto ang Perlas Pilipinas nang talunin ang North Korea, 78-63 upang maisalba ang ikapitong puwesto sa FIBA Asia Women’s Cup sa Bangalore, India kamakalawa.
Sa unang pagtapak sa Division A matapos pagreynahan ang Divison B noong 2015, nablanko sa unang limang salang ang Perlas kontra sa mga pinakamalalakas na kababaihan sa Asya bago nakasungkit ng huling panalo sa kulelat na North Korea para sa puwestohan sa kauna-unahang panalo.
Natambakan ang Filipinas sa mga bigating reyna sa Asya na Japan, China, Chinese-Taipei, South Korea at ang kasama na rin ngayon sa FIBA Asia na Australia.
Nanguna si Alyanna Lim sa 16 puntos para sa Perlas na tinalo rin ang North Korea noong 2015, 68-67 sa nakaraang FIBA Asia Women’s 2015 sa Wuhan, China para ma-promote mula Divison B pa-Division A.
Samantala, nagkampeon ang Japan sa ikatlong sunod na pagkakataon nang umeskapo sa Australia, 74-73 sa Finals. Tumersera ang China nang tambakan ang Japan sa battle for bronze, 75-51.
Ikalima ang Chinese Taipei, sumunod ang New Zealand, Filipinas at North Korea.
Dahil hindi kulelat, hindi babalik sa Division B ang Filipinas at mananatili sa pinaka-prestihiyosong dibisyon ng pambabaeng basketbol sa Asya. (JBU)