ARESTADO ang babaeng taga-Saudi dahil sa paglabag sa mahigpit na dress code na ipinaiiral sa bansa matapos maglakad nang nakasuot ng miniskirt at crop top sa isang video na nagsindi ng public outrage sa buong kaharian.
Ikinulong ang babae, na hindi na pinangalanan ng mga awtoridad, sa Riyadh dahil sa pagsusuot ng sinasabing ‘immodest clothes’ na salungat sa konserbatibong Islamic dress code na ipinapatupad sa buong Kaharian ng Saudi Arabia.
Sa ebidensiyang video, na naging viral simula nang una itong makita sa Snapchat, mapapanood ang babae na naglalakad sa isang makasaysayang lugar sa Saudi na ang tanging suot ay maikling palda at hanging blouse.
Nasundan pa ang maikling video, kuha sa liblib na kabayanan sa desert region ng Najd, pinagmumulan ng karamihan ng mga konserbatibong tribo at pamilya ng Saudi Arabia, ng ilan pang mga kuha habang nakaupo siya sa disyerto.
Nagbunsod ang video sa Twitter hashtag ng panawagan para sa kanyang pag-aresto, kasabay ng mga batikos na sinadya ng babaeng bastusin ang batas sa Saudi na nagsasabing kailangang magsuot ang lahat ng kababaihan sa loob ng kaharian, kabilang na ang mga dayuhan, ng mahaba at maluluwang na damit na kung tawagin ay abaya kung nasa publiko.
Popular ang social media sa Saudi Arabia bilang paraan at behikulo para sa paglalahad ng mga kasawiang-palad o hinaing at panukat sa opinyon ng publiko. Napatunayan sa lumaganap na public outcry laban sa video at pagkaaresto sa babae kung gaano makapangyarihan at laganap ang konserbatibong pananaw sa Saudi Arabia. Itinulak ng 31-anyos tagapagmana ng trono na si Crown Prince Mohammed bin Salman ang mas malawig na opening para sa entertainment bilang pagtugon sa mga pangangailangan ng kabataan, na ang karamihan ay aktibo sa social media. Mahigit sa kalahati ng populasyon ng bansa ay mababa sa 25-anyos ang edad.
ni Tracy Cabrera