SINIBAK ng Supreme Court ang isang hukom, na nagdismis sa hazing case laban sa 10 akusado, kaugnay sa pagkamatay ng law student ng San Beda College na si Marc Andrei Marcos.
Sa botong 12-0, pinatawan ng Supreme Court En Banc ng dismissal si Judge Perla Cabrera-Faller makaraan mapatunayang guilty sa kasong “gross ignorance of the law” at paglabag sa ilang probisyon ng Canon 3 ng Code of Judicial Conduct.
Nag-ugat ang kasong administratibo laban kay Faller sa kasong kriminal na inihain ng piskalya kaugnay ng pagkamatay ni Marcos sa initiation rites ng Lex Leonum Fraternitas noong 29 Hulyo 2012.
Noong 3 Hunyo 2013, nagpalabas si Faller ng warrant of arrest laban sa sampung akusado, ngunit sa kapareho ring petsa ay iniutos ang pag-archive sa kaso kaya hindi naaresto ang mga akusado.
Noong 15 Agosto 2013, nagpalabas muli ng resolusyon si Faller, nag-uutos nang pagbawi sa arrest warrant laban sa lahat ng mga akusado, at iniutos din ang pagbasura sa kaso.
Bunsod nito, naghain ang lolo ni Marc Andrei na si Retired Judge Martonino Marcos, ng kasong admi-nistratibo laban kay Faller.
Sa desisyon ng Korte Suprema, si Faller ay nagpakita ng kawalan nang sapat na kaalaman sa “rules of procedure” nang kanyang iutos ang aga-rang pag-archive sa kaso kahit hindi pa lumalagpas ang anim na buwan para sa pagsusumite ng ulat ng mga awtoridad na malabong maaresto ang mga akusado.
Ayon sa Korte Suprema, kung hindi maituturing na “gross ignorance of the law” ang pag-archive ni Fal-ler sa kaso, ito ay pagpapakita na siya ay may kinikilingan.
Maituturing anila na “grave abuse of authori-ty” ang pagbawi ni Fal-ler sa arrest warrant, na aniya ay kanyang ipina-labas nang hindi sinasadya at ang utos na pagbasura sa kaso.
Bukod sa pagsibak sa puwesto, iniutos din ng Korte Suprema ang pagbawi sa retirement benefit at leave credit ni Faller, at hindi na siya maaaring maglingkod sa alin mang tanggapan ng gobyerno.
(LEONARD BASILIO)