SINUSPENDI ng lokal na pamahalaan ng Maynila, ang klase sa Manila Science High School sa Taft Avenue simula nitong Huwebes, dahil sa pagkakatapon ng nakalalasong kemikal na mercury sa isang silid-aralan.
Natapon ang mercury nang matabig ang pinaglalagyan nito habang nililinis ng dalawang estudyante at dalawang guro ang stockroom ng isang science laboratory noong 11 Marso, ayon kay Manila City Health Office chief, Dr. Benjamin Yson.
Agad na-isolate ng mga bombero ang mercury na kanilang inilagay sa isang selyadong basurahan.
Ngunit ani Yson, nitong Martes lang nalaman ng Manila government ang insidente nang magkasakit ang gurong nakatapon sa mercury, at maalarma ang Department of Health (DoH) sa mataas na level ng kemikal sa katawan nito.
Ang DoH pa aniya ang nag-ulat ng insidente sa health office ng lungsod.
Tiniyak ni Yson, walang dapat ikabahala kahit kahapon lang sinuspendi ang klase sa eskwelahan, dahil agad naisara ang laboratory na pinangyarihan ng insidente, at hindi na-expose sa kemikal ang mga mag-aaral.
Napag-alaman, tatlo pang estudyante ang dinala sa ospital makaraan ang insidente.
Wala pang gustong magsalita mula sa pamunuan ng Manila Science High School hinggil sa insidente.
Hindi pa matiyak kung hanggang kailan tatagal ang suspensiyon ng klase lalo’t lumabas sa inisyal na pagsusuri ng DoH, mataas ang “reading” ng mercury o dami ng kemikal na natapon.
Nasa 3,758 nanograms per cubic meter (ng/m3) ang reading ng DoH, gayong ang borderline ay 200 ng/m3. Ang labis na “exposure” sa mercury ay nakamamatay.
Isang pribadong grupo na kinontrata ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang maglilinis ng mercury spill.
Bumuo na ng inter-agency task force and DoH, DENR, Manila Health Office, Disaster Risk Reduction and Ma-nagement Office kaugnay ng insidente.
(LEONARD BASILIO)