NAGLAGAK ng piyansa sa Manila Regional Trial Court (RTC), si self-confessed hitman Edgar Matobato, umaming miyembro ng Davao Death Squad (DDS), kahapon.
Ang paglalagak ng P200,000 piyansa ng akusado ay kasunod ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Carmellita Sarno-Davin, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 19, ng 11th Judicial Region Digos City, Davao del Sur.
Makaraan magpiyansa, nagtungo sa tanggapan ni Manila Police District director, Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, si Matobato kasama ang kanyang abogado, at ineskortan ng mga tauhan ni Supt. Jackson Tuliao.
Sa panayam, inamin ng kampo ni Matobato, minabuti nilang sa Manila court maglagak ng piyansa dahil sa paniniwalang magiging patas sa kanila ang mga awtoridad.
Makaraan ang pagharap sa media, agad isinalang sa booking process ng MPD si Matobato, gaya ng finger printing at pagkuha ng mugshot.
Kaugnay nito, inilinaw ni Coronel, habang wala pang release order na ipinalalabas si Judge Sarno-Davin, mananatili si Matobato sa kostudiya ng MPD warrant section.
Noong 2 Marso 2017, inisyu ni Judge Sarno-Davin ang warrant of arrest laban kay Matobato, at isang Atty. Norberto P. Sinsona, dahil sa kasong frustrated murder.
(LEONARD BASILIO)