PINIGIL ng Court of Appeals sa pamamagitan ng pagpapalabas ng freeze order, ang bank accounts at mga real property ng isa sa hinihinalang drug lords ng Central Visayas, na si Franz Sabalones.
Sa 17-pahinang kautusan ng Court of Appeals 8th Division, at ipinonente ni Associate Justice Carmelita Salanda-nan Manahan, tatlong bank accounts ni Sabalones ang kasama sa freeze order, partikular ang kanyang account sa BDO, at dalawang account sa Wealth Bank.
Ibig sabihin, hindi papayagan ang ano mang uri ng transaksiyon para sa nasabing bank accounts.
Pinigil din ng CA ang anim niyang mga ari-arian, kabilang na ang kanyang apat lupain sa San Fernando, Cebu; isang property sa Carcar City, Cebu, at isa sa Cebu City.
Tatagal ang freeze order sa loob ng anim buwan.
Nag-ugat ang kautusan sa petisyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), dahil sa kanilang paniwalang konektado ang mga nasabing account at mga ari-arian sa drug trafficking activity ni Sabalones.
Ginawang batayan ng AMLC sa kanilang petis-yon ang Judicial Affidavit ni Sabalones, may petsang 8 Agosto 2016, kanyang inamin ang operas-yon sa ilegal na droga.
Ang malakihan aniya niyang pagbebenta ng ilegal na droga ay nagsimula noong 2003.
Napangalanan sa affidavit ang isang Roland Abelgas, kanyang nakasama sa operasyon.
Kumukuha aniya sila noon ng suplay ng shabu mula sa napatay na si Jeffrey Jaguar Diaz, bigtime drug lord din sa Visayas, na kumukuha ng droga, mula kay Peter Co, nakakulong sa New Bilibid Prison.
ni LEONARD BASILIO