MAY inilulutong bagong people power, na balak ilunsad sa anibersaryo ng EDSA People Power 1 sa 25 Pebrero.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre, kasabay nang pagbubunyag tungkol sa sinasabing alok na suhol sa walong high profile inmate, na una nang nagturo kay Senador Leila de Lima, na nakinabang sa Bilibid drug trade.
Ayon kay Aguirre, ang mga inmate ay inalok ng P100 milyon para bawiin ang kanilang testimonya laban kay De Lima.
Ang nag-alok aniya ng suhol ay isang dating senador at kasalukuyang kongresista mula sa Lalawigan ng Laguna, na handang pangalanan ni Aguirre sa Senado.
Dalawang beses ani-yang ginawa ang alok, kamakalawa at kahapon ng umaga, ang pangalawang alok ay idinaan kay Clarence Dongail, isa pang Bibilid inmate, na nakakulong din sa AFP Custodial Center.
Ang pagbawi sa kanilang testimonya ay dapat aniyang gawin bago o pagsapit ng 25 Pebrero.
Nais aniyang gamitin ng mga nasa likod ng suhol, ang pagbawi ng mga inmate sa kanilang testimonya, para makahikayat nang mas maraming tao na magtitipon sa EDSA, para sa anibersaryo ng People Power at sa ilulunsad na malaking protesta.
Inalok din aniya ang mga inmate na sila ay palalayain, ngunit ang dalawang beses na alok ay parehong tinanggihan ng mga inmate.
(LEONARD BASILIO)