TINIYAK ni Chief Supt. Oscar Albayalde, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) walang pasubaling susundin nila ang lahat ng kautusan o lawful order ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Ito ang sinabi ni Albayalde sa kanyang pagdalo sa Kapihan sa Manila Bay, sa Café Adriatico, Malate Maynila bilang tugon sa umiinit na usapin na pagdakip sa mga consultant at miyembro ng Communist Party of the Philippined (CPP), New People’s Army (NPA) at National Democratic Font (NDF) kasunod ng pagtalikod ng Pangulo sa peace negotiations at pagbasura sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).
Aniya kung may kautusan na silbihan ng warrant of arrest ang NDF consultants na kasama sa peace panel ay hindi sila mag-aatubili sa pag-aresto.
Inihalimbawa ni Albayalde ang pagkakadakip kay NDF consultant Ariel Arbitrario, nitong Lunes sa Davao City bago ibasura ang JASIG ngunit kinansela dahil sa pagpaslang umano ng mga miyembro ng NPA sa tatlong sundalo na tahasang paglabag sa unilateral ceasefire.
(LEONARD BASILIO)