NAG-ISYU ang Supreme Court (SC) ng temporary protection order (TPO), para sa pamilya ng apat drug suspect na napatay sa isinagawang “Oplan Tokhang” sa Payatas, Quezon City, noong nakaraang taon.
Sa naturang kaso, pinangalanan bilang respondent ang PNP sa pangunguna ni Director General Ronald Dela Rosa, Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, at QCPD Station 6 commander, Supt. Lito Patay.
Kabilang din dito sina PO1 James Aggaral, at PO1 Melchor Navisaga, mga tauhan ng QCPD.
Sa isinagawang deliberasyon ng SC En Banc, iniutos ng korte sa mga respondent na iwasang lumapit sa bahay at lugar na pinagtatrabahuan ng petitioners sa layong isang kilometro.
Pinagsusumite ng SC ang mga respondent ng “verified return of the writ” sa Court of Appeals (CA) sa loob ng limang araw.
Bukod dito, iniutos ng hukuman sa appellate court na magsagawa ng pagdinig at desisyonan ang petisyon kasama ang iba pang kahilingan ng mga petitioner.
Kapag naideklarang submitted for decision ang kaso, dapat ay makapagpalabas ng desisyon ang CA sa loob ng 10 araw.
Magugunitang naganap ang insidente sa Payatas noong 21 Agosto 2016.
(LEONARD BASILIO)