MULING nadagdagan ng panibagong kaso ang umaming miyembro ng Davao Death Squad na si Edgar Matobato.
Ito ay makaraan ihain ng piskalya ang kasong kidnapping laban kay Matobato at sa isang Sonny Custodio dahil sa sinasabing pagdukot sa hinihinalang terorista na si Sali Muck Doom, 17 taon na ang nakalilipas.
Ang kaso ay inihain sa Panabo Regional Trial Court sa Davao Del Norte.
Nabatid na sa resolusyn ni Prosecutor Joseph Apao ng Island Garden City of Samal, may probable cause para iakyat sa korte ang reklamo.
Walang piyansa na inirekomenda ang piskalya para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Mirasol Marquez, live-in parter ni Muck Doom na dinukot noong 9 ng Nobyembre, 2000.
Sa kanyang pagtestigo sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Matobato, kasama siya at anim iba pa sa pagdukot sa hinihinalang terorista sa Samal Island at pagkatapos ay dinala nila sa tanggapan ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).
Una nang pinasampahan ng kasong frustrated murder ng Digos City Prosecutor’s Office si Matobato dahil sa pagbaril kay Abeto Salcedo Jr., dating adjudicator sa Department of Agriculture sa Digos City noong 2014.
Nahaharap din siya sa kasong illegal possession of firearms sa hukuman sa Davao City. (LEONARD BASILIO)