MAGPAPAKALAT ng 150 pulis sa Chinatown at Binondo sa lungsod ng Maynila sa nalalapit na selebrasyon ng Chinese New Year sa 28 Enero.
Sinabi ni Manila Police District Director, Chief Supt. Joel Coronel, nakipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan ng Maynila para sa seguridad ng publiko.
Ayon kay Coronel, 27 Enero ay naka-deploy na ang kanyang mga tauhan upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa isasagawang mga programa sa Binondo gaya ng fireworks display at dragon dance.
Aniya, wala silang ipagbabawal at mananatiling bukas sa mga motorista ang mga kalsada sa lugar.
Umaasa ang pamunuan ng MPD na magiging mapayapa ang pagdiriwang ng Chinese New Year katulad ng nakalipas na bagong taon.
Samantala, tiniyak ni Coronel, walang ano mang magiging aberya sa mga aktibidad ng Ms. Universe pageant sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Coronel, nakalatag na ang seguridad sa gaganaping mga aktibidad ng Ms. Universe pageant ngayong linggo.
Ngayong linggo ay may photo shoot ang mahigit 80 kandidata para sa Ms. Universe sa Maynila, sa 20 Enero, magbibigay-galang sila (courtesy call) kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang, at kasunod nito ang luncheon sa Manila Hotel.
Sinabi ni Coronel, bilang bahagi ng Special Task Force Ms. Universe, ay magdi-deploy ang MPD ng 250 pulis na magbabantay sa ruta, magsi-secure sa area at traffic management.
(LEONARD BASILIO)