KINASUHAN na sa Department of Justice (DoJ) ang tatlong Chinese at pitong Filipino na naaresto sa tatlong magkasunod na drug operations sa San Juan City nitong nakaraang linggo.
Ang tatlong Chinese nationals na sina Shi Gui Xiong, Che Wen De, at Wu Li Yong, at mga Filipino na sina Abdullah Mahmod Jahmal, Salim Cocodao Arafat, Basher Tawaki Jamal at apat iba pa ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.
Armado ng search warrant, ang National Bureau of Investigation, kasama ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police, ay nagsagawa ng operasyon noong Disyembre 23 sa isang bahay sa Mangga Street sa Brgy. Little Baguio, kasunod ng isa pang operasyon sa 24 A. Bonifacio Street at interdiction operation Sa Missouri Street kanto ng Annapolis Street, pawang sa lungsod ng San Juan City.
Iprinisenta sa media ang 890 kilo ng high grade shabu na narekober ng NBI sa tatlong magkakahiwalay na raid sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, tinatayang aabot ng P6 bilyon ang halaga ng nakompiskang shabu, itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.
Habang ipinaliwanag ni Atty. Roel Bolivar, commander ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs, binansagan nila ang grupo sa likod ng malaking operasyon ng droga bilang “Red Dragon” dahil may markang red dragon ang mga plastic ng shabu na nakompiska.
Inaalam na ng NBI kung sino-sino ang posibleng mga protektor ng sindikato.
(LEONAD BASILIO)