BINIGYAN ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DoJ) ang respondents sa pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa nang hanggang 23 Enero 2017 para magsumite ng kanilang kontra-salaysay.
Una rito, sumalang sa preliminary investigation ng panel of prosecutors ng DoJ ang mga miyembro ng Criminal Inveatigation and Detection Group Region 8 (CIDG-8) at Maritime Police na kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng multiple murder at perjury kaugnay sa pagpatay kay Espinosa at kapwa niya inmate na si Raul Yap.
Ngunit napag-alamang 14 sa inireklamong mga pulis ay wala pang mga abogado kaya’t hindi sila makapagsumite ng counter affidavit.
Dumalo sa pagdinig ang dating hepe ng CIDG-8 na si Supt. Marvin Marcos, ang pulis na nakabaril at nakapatay mismo kay Mayor Espinosa na si C/Insp. Leo Laraga, at 21 pulis na sangkot din sa operasyon.
Hindi nakadalo sa pagdinig si Paul Olendan na ginamit ng CIDG na testigo para makakuha ng search warrant sa korte.
Sinabing AWOL na sa serbisyo si PO2 Neil Patrimonio Sentino.
Hindi sumipot sa pagdinig ang ang mga kinatawan ng NBI na tumatayong complainant sa kaso.
Makaraan ang pagdinig, mahigpit na binantayan ng mga awtoridad ang mga inireklamo pulis pabalik sa Camp Crame.
(LEONARD BASILIO)