TINANGAY ng isang hindi nakilalang babae ang isang 8-anyos batang lalaki habang mag-isang nagka-carolling sa Sampaloc, Maynila nitong Sabado ng gabi.
Nagsasagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Women and Children’s Protection Unit (WCPU), para matunton ang kinaroroonan at mailigtas ang biktimang si John Ren Manzano, residente sa Algeciras St., Sampaloc, sakop ng Brgy. 450, Zone 45.
Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na tinatayang 40 hanggang 45-anyos.
Batay sa reklamo ni Aileen Cansino, ina ng biktima, dakong 6:35 pm nitong Sabado, nakita ng mga residente na nagka-carolling mag-isa ang kanyang anak malapit sa kanilang bahay.
Ayon sa ginang, sinabi ng isang kapitbahay na nagka-carolling din, nakita niya ang biktima habang akay-akay ng babae palayo sa lugar at mula noon ay hindi na nakauwi ang bata.
Ang suspek ay una nang nakitang tumangay ng bata sa Geronimo St., sa Sampaloc kamakailan.
( LEONARD BASILIO )
ESTUDYANTE PATAY
SA CHRISTMAS LIGHTS
KORONADAL CITY – Hindi na matutuloy ang Christmas party sa VF Greño Memorial High School sa Tacurong City, Sultan Kudarat, kasunod nang pagkamatay ng isang estudyante.
Kinilala ang namatay na si Rene Banda, senior high student at residente ng Brgy. Buenaflor, Tacurong City, nakoryente habang ikinakabit ang Christmas lights sa kanilang paaralan.
Habang kritikal ang kanyang kaibigan na si Lauriano Barroquillo, residente ng Brgy. Greño sa naturang lungsod, nadamay sa insidente.
Napag-alaman, nag-aayos ng Christmas lights ang nasabing mag-aaral nang siya ay makoryente.
Nakita ni Baroquillo ang insidente at sinubukang tulungan ang kanyang kaibigan ngunit nakoryente rin siya.
Napagdesisyonan ng pamunuan ng paaralan na huwag na lamang ituloy ang Christmas party ng mga estudyante bilang simpatiya sa pamilya ng estudyanteng namatay.