INABSUWELTO sa isinagawang fact finding investigation ng Korte Suprema ang tatlo sa mga hukom na pinangalanan ni Pangulong Duterte bilang sangkot sa ilegal na droga, sa kanyang talumpati noong 7 Agosto 2016 sa Lungsod ng Davao.
Sakop ng resolusyon ng Korte Suprema sina Judge Exequil Dagala ng Dapa-Socorro Surigao MTC; Judge Adriano Savillo ng Iloilo City RTC Branch 30; at Judge Domingo Casiple ng Kalibo, Aklan RTC Branch 7
Ayon sa Korte Suprema, walang ebidensiya na mag-uugnay sa tatlong hukom sa paggamit, pagbebenta o pagpapalaganap ng ilegal na droga.
Dahil dito, idineklara ng Kataas-taasang Hukuman bilang “terminated” o tapos na ang imbestigasyon. Kaugnay sa pang-apat na judge na si Judge Antonio Reyes ng Baguio RTC, sinabi ni retired Supreme Court Justice Roberto Abad, ang namuno ng fact finding investigation, may hinihintay pa siyang tugon tungkol sa alegasyon laban kay Judge Reyes. (LEONARD BASILIO)
TATLONG SANGAY
NAGBABANGGAAN
SA ANTI-DRUG WAR
HINDI na mapipigilan ang pag-iral ng constitutional crisis dahil sa pagbabanggan ng tatlong sangay ng pamahalaan bunsod ng drug war na isinusulong ng administrasyong Duterte.
Ayon sa isang political observer, lalong luminaw ang constutional crisis nang iabsuwelto kahapon ng Korte Suprema ang tatlong hukom sa pagkakasangkot sa illegal drugs na naunang tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang narco-judges. Inihayag kahapon ng Supreme Court na walang matibay na basehan para iugnay sa illegal drugs ang tatlong judges.
Sa kanyang talumpati sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Duterte na binigyan niya ng kopya ng narco-list sina House Speaker Pantaleon Alvarez, Senate President Koko Pimentel at Chief Justice Ma. Lourdes Sereno upang ipabatid sa kanila ang pangalan ng 4,500 na nasa listahan. Bukod sa pagpawalang sala sa tatlong narco-judges, iniimbestigahan ng Senado ang umano’y extrajudicial killings sa anti-drug war campaign.
(ROSE NOVENARIO)