MAPANONOOD na sa Nobyembre 30 ang The Super Parental Guardians movie nina Vice Ganda at Coco Martin kasama sina McNeal ‘Awra’ Briguella, Zymon Ezekiel (Onyok) Pineda, at Pepe Herrera mula sa direksiyon ni Binibining Joyce Bernal produced ng Star Cinema.
Ang SPG ay entry ng Star Cinema sa 2016 Metro Manila Film Festival pero hindi pinalad na makapasok dahil pakiwari ng screening committee ay hindi nabibilang sa quality films.
Hiningan ng komento si Coco na hindi sila napili ngayong MMFF.
“Nalungkot, hindi ako nakapagsalita,” seryosong sabi ng aktor. “Kasi, lagi kong sinasabi, everytime na nagmi-meeting kami sa Star Cinema, sabi ko, kahit hindi ako gumawa ng (pelikula) sa isang buong taon, basta makagawa lang ako ng isang filmfest, for Metro Manila Film Festival tuwing Kapaskuhan, ’yun ang talagang gusto kong gawin, bukod sa soap opera sa TV.
“And then, ipinangako ko kasi sa dalawang bata (Awra at Onyok), eh, sabi ko sa kanila noong ano, ‘gagawa ako ng filmfest,’ sabi ko, ‘isasama ko kayo at saka si Pepe,’ and then, siyempre, tuwang-tuwa ’yung mga bata.
“Kasi ako dumaan sa pagkabata na lagi kong nilo-look forward ‘pag Metro Manila Film Festival manonood kami ng family ko, bonding ‘yun. Tapos noong napasali ako sa ‘Feng Shui’ at ‘Beauty and The Bestie’, naramdaman ko ‘yung saya.
“Kasi kapag nagpa-parade ka sa Roxas Boulevard, iba ‘yung pakiramdam na nakikitang nakikipag-interact ka sa tao ng personal na nakikita mong napakasaya nila habang nakikita mo tapos alam mo ‘yung (feeling) na may maire-regalo ka sa kanila sa Kapaskuhan na lalo na ‘yung ginawa namin ‘yung ‘Beauty and the Bestie’, tuwang-tuwa ‘yung mga tao na lagpas na ang Pasko, ang saya-saya pa rin nila.
“Noong binubuo namin ang pelikula, ‘yun ang purpose namin, pinaghahandaan namin na sa Pilipinas, alam mo na mahirap ang buhay minsan, ang isang pamilya o ang isang tao, ang pinaghahandaan na lang nila ay ‘yung Pasko. At ‘yung Paskong iyon ang time para makapag-bonding sila ng pamilya nila,” mahabang paliwanag ng Primetime King ng ABS-CBN.
Nabanggit din ni Coco na ang mga kasama niya sa Ang Probinsyano ang orihinal na kasama sa pelikula, pero noong naikuwento niya ito kay Vice Ganda ay nagustuhan daw ng GGV at Showtime host ang konsepto kaya gusto na nitong sumali at ipinaalam nga raw ito sa Star Cinema.
Kaya naging The Super Parental Guardians na ang titulo ng pelikula dahil tatayo silang magulang ng mga batang sina Awra at Onyok dahil nawala ang magulang nilang si Matet de Leon.
May shower scene si Coco na ayaw na ayaw niyang maghubad sa pelikula, pero wala siyang magawa kundi sumunod kay Binibining Joyce Bernal dahil sa takot.
“Siyempre, maski na kaibigan ko si Vice, naalangan pa rin ako kasi lalaki ako at saka ano (bakla) siya, so nakakailang pa rin,” natawang kuwento ng aktor.
Hirit naman ni Vice, ”maski na magkaibigan kami, siyempre iba pa rin ang dating niya sa akin, may pagnanasa pa rin.”
Samantala, hindi lang ang mamamayang Filipino ang pinaaga ng Pasko nina Vice at Coco maging ang entertainment press na dumalo sa grand presscon ng The Super Parental Guardians sa Impression Restaurant, Resorts World Manila ay umuwing magaganda ang mga ngiti bukod pa sa pabaong King Cup sardines, Gluta-C products, at Pigrolac shirt.
FACT SHEET – Reggee Bonoan