HINDI naniniwala ang misis ng Filipino-Barbadian comedian at novelty reggae singer na si Blakdyak na magagawa ng kanyang asawa ang magpakamatay.
Ayon kay Twinkle Estanislao, bagama’t isang taon na silang hiwalay ni Blakdyak o Joey Formaran sa tunay na buhay, maayos pa rin silang nag-uusap lalo’t apat ang kanilang mga anak.
Taliwas ito sa pahayag ng matalik na kaibigan ni Blakdyak na dumanas ang singer ng stress dahil sa out of town shows. Iginiit ni Twinkle, walang problema sa kanyang career ang singer lalo’t sunod-sunod ang kanyang gig sa mga bar.
Katunayan kamakalawa ng gabi ay mayroong gig ang 46-year-old singer ngunit bandang 7:00 pm nang datnan ng kanyang anak ay walang buhay at nakabalot sa plastic ang mukha sa tinutuluyang studio-type condominium sa Sampaloc, Maynila.
Sa ngayon, nais ng pamilya na ma-autopsy ang bangkay ni Blakdyak para malaman ang totoong dahilan ng kamatayan ng singer.
Bukod sa kanyang hit songs na “Modelong Charing” at “Good Boy,” naging tampok din si Blakdyak sa ilang pelikula gaya ng “Weyt A Minut Kapeng Mainit” noong, “S2pid Luv,” at iba pa.
( LEONARD BASILIO, may kasamang ulat nina Maribeth Barines, Jam Breboneria at Ruth Liman )