NAKALAHATI na ng Judicial and Bar Council (JBC) ang pag-interview sa mga kandidato na papalit sa Supreme Court (SC) Associate Justices na sina Jose Perez at Arturo Brion na magreretiro sa Disyembre.
Sa Disyembre 14 magreretiro si Perez habang sa Disyembre 29 magreretiro si Brion.
Kahapon, pito sa 14 kandidato na nagnanais maging SC Justice ang na-interview na kinabibilangan nina Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Rueda-Acosta, Atty. Rita Linda Ventura Jimeno, Pasig Regional Trial Court Judge Rowena Apao-Adlawan, Court of Appeals Justices Japar Dimaampao at Noel Tijam, Sandiganbayan Justice Samuel Martires at Department of Justice chief state counsel Ricardo Paras III.
Natanong sa mga kandidato ang kanilang katayuan sa isyu kagaya nang paghimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ang extra judicial killings sa bansa, ang drug on war ng Duterte administration at ang pagpayag na mapalaya si dating Senate President Juan Ponce Enrile. Sasailalim din ang mga kandidato sa psychological tests at public interviews bago gagawa ang JBC ng shortlist na isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Napag-alaman, sa ilalim ng termino ni Duterte, nasa 12 sa 15 kabuuang mahistrado ng SC ang kanyang itatalaga.
( LEONARD BASILIO )