ARESTADO sa mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Sabado ng hapon ang pekeng claimant ng limang kilong package mula sa Congco, Africa, naglalaman ng 1.5 kilo ng shabu.
Ayon kay NAIA Customs District Collector Ed Macabeo, ang limang kilong package ay nakalagay sa backpack na dumating nitong Oktubre 21, 2016 via Fedex mula Congo, Africa, idineklarang synthetic hair na ipinadala ng isang Matumona Kinzolan Guylain ng Kinshasha Republic of Congo, at naka-consigned sa isang Ronaldo P. Rivera ng Bagumbong, Caloocan City.
Sinabi ni Macabeo, inalerto ng alert customs examiner, mga miyembro ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF) sa pakikipagtulungan ng customs police at Customs Intelligence and Investigation (CIIS), ang kanilang personnel na arestohin ang sino mang kukuha ng package.
Ayon kina Customs police chief Reggie Tuason at CIIC chief Manolo Arevalo, ang customs examiner na si James Caringal na sumuri sa package, ay nagpadala ng text sa consignee (Rivera) na ang kanyang package ay dumating nitong Oktubre 21, 2016 ngunit hindi sinabi kung ano ang laman nito.
Sinabi ni Caringal kay Macabeo at iba pang customs official, ang consignee ay magpapadala ng kinatawan para kunin ang package o siya mismo ang personal na kukuha nito.
Hinintay ng mga opisyal si Rivera o ang kanyang kinatawan nang araw na iyon at pinalawig pa ang paghihintay nang ilang araw hanggang dumating ang isang lalaki nitong Sabado ng hapon para kunin ang package.
Nagpakilala ang lalaki na siya si Ronald Rivera at tinanggap ang package nang hindi muna inalam ang laman nito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na hindi siya ang totoong si Ronald Rivera kundi si Mark Anthony Porto de Leon, 26-anyos dance instructor, kasama ang isang Bryan Cortez, kapwa mula sa Mabalacat, Pampanga, na pineke ang kanilang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pekeng ID upang makuha ang package.
Ang dalawa ay inaresto sa kasong falsification of public documents at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165.
Samantala, iniutos ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon kay Macabeo at sa iba pang mga opisyal na magsagawa ng follow-up operation upang mahuli ang tunay na nagpadala at consignee ng nasabing package na nagkakahalaga nang mahigit P7 milyon.
( JSY )