SUGATAN ang apat na miyembro ng Gamma Deta Epsilon Fraternity habang pitong miyembro ng Aeges Juris Fraternity, pawang kabilang sa “Bar Ops Group” ng mga estudyanteng kumukuha ng Bar exam sa UST, ang iniimbestigahan makaraan magpang-abot ang da-lawang grupo sa labas ng Manila Hotel sa Ermita, Maynila kahapon ng ma-daling-araw.
Isinugod sa San Juan de Dios Hospital ang mga biktimang sina Ramon Gicos, 25, law student ng Arellano University; Jeherson Ayong, 33, law student ng Arellano University; Ron Resurrecion, 28, law student ng De La Salle University; at Carmelo Galte, law student ng New Era University, pawang mga miyembro ng Gamma Delta Espsilon Fraternity, bunsod ng mga sugat makaraan ang rambol ng dalawang fraternity.
Habang iniimbestiga-han sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang pitong miyembro ng Aeges Juris Fraternity na sina Von Paulo Añonuevo, Arvin Balag, Ralph Trangia, Marcelino Bagtang Joshua Joriel Macabali, Mhin Wei Chan at Justin Carlos Garcia.
Ayon kay Chief Insp. Arsenio Riparip, hepe ng MPD-GAIS, naganap ang insidente dakong 4:00 am sa labas ng Manila Hotel na tinutuluyan ng grupo ng Aeges Juris Fraternity.
“Iyong mga victim tumutuloy sa Heritage Hotel sa Pasay tapos sumugod sila Manila Hotel at doon na nagpang-abot ‘yung dalawang grupo, mga miyembro sila ng Bar operations, tumutulong sa mga kumukuha ng Bar exam sa UST, papunta na sana sila kaso nag-rumble,” ayon kay Riparip.
Nabatid mula sa grupong Aeges Juris Fraternity, frat rivalry ang dahilan ng salpukan ng dalawang grupo.
“Pare-pareho kaming mga expelled student sa UST, ‘yung iba nakapasok na sa ibang law school, kami under investigation pa, sumugod sila, meron pa nga silang kasamang abogado na nakipag-rumble, siguro mga nasa 15 sila, iyong isang kasama namin hinampas pa ng traffic cone,” ayon sa isang miyembro ng Aeges Juris Fraternity na ‘di nagpabanggit ng pangalan.
Sinabi ni Riparip, magsasampa ng ‘counter charges’ sa isa’t isa ang dalawang magkalabang fraternity.
ni LEONARD BASILIO