HINDI muna ipatutupad ang utos ng mababang hukuman sa Pasig City na pag-aresto kay MNLF founding Chair Nur Misuari.
Ito ang utos na ipinalabas ni Pasig RTC Branch 158 Judge Maria Rowena San Pedro.
Kasabay nito, sinuspinde ng hukuman ang pag-usad ng paglilitis sa kasong kinakaharap ni Misuari na nag-ugat sa insidente noong Setyembre 2013 na binansagang Zamboanga Seige.
Si Misuari ay nahaharap sa kasong rebelyon at paglabag sa International Humanitarian Law.
Dahil sa kautusang ito ng Pasig RTC, inatasan ang pambansang pulisya, AFP, National Bureau of Investigation at iba pang law enforcement agencies na huwag munang ipatupad ang mandamyento de aresto laban kay Misuari.
Tatagal ang “suspension of proceedings” at ang suspensiyon sa pagpapatupad ng warrants of arrest sa loob ng anim buwan maliban kung ito ay babawiin nang mas maaga ng korte.
Nag-ugat ang kautusan ng mababang hukuman sa inihaing mosyon ng kampo ni Misuari na sinuportahan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process at ng Department of Justice.
Ito ay para bigyang-daan ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng MNLF.
( LEONARD BASILIO )