UMABOT pa lang 20 truck ng basura ang nahahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa mga pangunahing sementeryo sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay MMDA chairman Thomas “Tim” Orbos, halos 100 truck ng basura ang kailangan nilang kolektahin na inaasahang tatagal hanggang ngayong araw.
Pinakamarami sa mga kalat ay mula sa dalawang malaking libingan sa Metro Manila, partikular na ang Manila North Cemetery at Manila South Cemetery.
Karaniwan aniya sa mga nahahakot nila ay mga pinagkainan, ipinambalot sa mga dala-dalahan at iba pang mga kalat.
Malaking tulong sa kanila ang ilang grupo na maagang namahagi ng mga lalagyan ng basura para maibukod ang mga nabu-bulok at hindi nabubulok, pati na ang mga nangolekta ng pwede pang i-recycle. Samantala, sa labas ng Metro Manila ay tambak din ang mga basurang naiwan sa mga sementeryo.
( LEONARD BASILIO )