Sunday , December 22 2024

Duterte itinuro sa Davao killings (DDS member pinakanta ni De Lima)

HUMARAP sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa extrajudicial killings sa bansa, ang isang miyembro ng sinasabing Davao Death Squad (DDS) na nagpakilalang isang Edgar Matobato.

Ayon kay Matobato, nagsimula sila sa grupo na pito lang at ang tawag sa kanila noon ay “Lambada Boys.” Ang trabaho aniya nila ay pumatay ng tao partikular ng mga kriminal.

Sinabi ni Matobato, ang tumatayong lider nila sa DDS ay isang pulis na si Arthur Lascanas, siya aniyang right hand ni dating Davao mayor at ngayon ay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ikinuwento ni Matobato ang mga insidente nang pagpatay na ginawa ng kanyang grupo na karamihan ay utos aniya ni Duterte.

Ngunit may ilang insidente aniya nang pagpatay na ang nag-utos ay si Davao Vice Mayor Paolo Duterte, anak ng Pangulo.

Ayon kay Matobato, makaraan ang pambobomba sa simbahan sa Davao noong 1993, iniutos ni Duterte na patayin ang mga Muslim.

Pinasabog aniya nila ang isang mosque bagama’t walang casualty dahil walang tao nang kanila itong pinasabog.

Noong 2002, dinukot aniya nila sa Samal Island ang hinihinalang international terrorist na si Salem Macdum at makaraan itsap-tsap ay inilibing ang katawan sa Laud Quarry.

Sila rin aniya ang responsable sa pagpaslang sa apat tauhan ni dating Davao Rep. Prospero Nograles noong 2010 sa utos ng Pangulo. Ito’y noong kumandidatong alkalde ng lungsod si Nograles laban kay Pangulong Duterte.

Sinabi ni Matobato, dinala nila sa Samal Island ang mga tauhan ni Nograles, binigti, biniyak ang tiyan at nilagyan ng hollow blocks.

Kabilang din aniya sa iniutos ni Duterte na patayin ang LTO fixer, tatlong babaeng hinihinalang drug pushers at pamangkin ng bise alkalde sa Butuan na dinukot at dinala sa Davao para patayin.

Si Duterte rin aniya ang nag-utos sa pagpatay sa religious group leader na si Jun Berzabal noong 1993 dahil sa pang-aagaw ng lupa.

Pagbubunyag ni Matobato, si Duterte rin ang nag-utos para patayin ang mamamahayag na si Jun Pala dahil araw-araw binabanatan ang Pangulo.

Dalawang pulis aniya at rebel returnees ang pumatay kay Pala at pinalabas na kagagawan ito ng New People’s Army.

Maging ang dance instructor aniya na kasintahan ni Jocelyn Duterte na kapatid ng Pangulo, ay iniutos din ni Duterte na patayin.

Kanila aniyang dinala ang lalaki sa quarry, binigti, sinaksak at pinutol-putol ang katawan.

Ayon kay Matobato, ang pagpatay sa negosyanteng si Richard King na napaslang sa Davao City noong 2014, ay utos aniya ni Vice Mayor Paolo Duterte.

Ito ay dahil karibal aniya ng bise alkalde si King sa isang babae. Si King ang may-ari ng Crown Regency Hotel.

Bagama’t aminadong hindi siya kasama sa pumatay, iginiit niyang siya ang ginawang “fall guy” o pinaamin sa kanya ang kasalanan.

Ayon kay Matobato, 24 taon siyang naging ghost employee sa Davao City Hall at ang designation niya ay bilang miyembro ng Civil Security Unit. Ngunit ang totoo aniya ay miyembro siya ng Davao Death Squad.

Sa Davao lang aniya ay nasa 1,000 ang kanilang napatay. (HNT)

DE LIMA BINALAK IPA-AMBUSH
NI DUTERTE — WITNESS

INIHAYAG ng nagpakilalang miyembro ng Davao Death Squad, sa imbestigasyon ng Senado sa extrajudicial killings sa bansa kahapon, binalak noon ni Davao City Mayor Duterte na tambangan ang grupo ng Human Rights na pinamunuan ni Sen. Leila de Lima, na nag-imbestiga noong 2009 kaugnay sa sinasabing vigilante group na DDS.

Ngunit ayon kay Edgar Matobato, hindi nakarating ang grupo ni De Lima sa bahagi ng quarry site.

Si De Lima ay dating chairperson ng Commission on Human Rights at sa ilalim ng kanyang termino ay inilunsad ang imbestigasyon sa DDS na ikinagalit ni Duterte.

Kilalang kritiko ni Duterte ang senadora at kamakailan ay inakusahan ng Pangulo si De Lima na sangkot sa pamamayagpag ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).

TESTIMONYA NI MATOBATO
KASINUNGALINGAN — DOJ

PAWANG kasinungalingan ang mga testimonya ni Edgar Matobato sa pagdinig sa Senado kahapon.

Ito ang inihayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre makaraan idetalye ni Matobato ang kanyang mga nalalaman kaugnay sa naganap na mga pagpatay na iniuugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa ilalim ng Davao Death Squad.

Paliwanag ni Aguirre, dati nang nasa Witness Protection Program ng DoJ si Matobato simula noong 2013 ngunit kaduda-duda ang mga sinasabi at wala siyang “statement o affidavit” sa Kagawaran.

Ayon kay Aguirre, imposibleng walang testimonya si Matobato sa kagawaran dahil hindi maaaring maipasok sa WPPD ang isang testigo kung walang affidavit.

Kinuwestiyon ng kalihim kung bakit walang mailabas na affidavit ni Matobato sa Senado.

Gayonman, aminado si Aguirre na kung talagang kinakailangan ay maaaring tanggapin muli sa WPP si Matobato.

Naniniwala si Aguirre, “scripted” ang mga testimonya ni Matobato at sinabing isa lamang siyang “coached witness” sa Senado.

Dagdag ni Aguirre, posibleng ang pagpapalutang kay Matobato ay desperadong hakbang ni De Lima para sila ay maghinay-hinay sa kanilang plano na magprisenta ng mga testigo sa gagawing pagdinig sa Kamara tungkol sa sinasabing pagkakasangkot ng dating kalihim sa drug trade.

(LEONARD BASILIO)

Sa illegal drug trade
12 NBP INMATES HAHARAP
SA KAMARA VS DE LIMA

HAHARAP sa imbestigasyon ng Kamara ang 12 preso ng New Bilibid Prisons na kabilang sa mga tetestigo sa sinasabing pagkakasangkot ni Justice Secretary Leila De Lima sa illegal drug trade sa loob ng piitan.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, karamihan sa mga preso ay mga nahatulan sa kasong droga.

Nakuhaan na aniya ang mga preso nang mga sinumpaang salaysay laban kay De Lima.

Ililipat aniya ang nasabing mga preso ng pasilidad sa labas ng NBP para matiyak ang kanilang seguridad.

Kabilang din aniya sa haharap sa imbestigasyon ng Kamara ang mga testigo na magpapatunay na si De Lima pa mismo ang tumanggap ng milyon-milyong piso sa kanyang bahay.

Galing aniya ang pera mula sa mga high-profile drug convict na nakakulong sa Bilibid.

Kabilang din aniya sa mga tetestigo sa pagdinig ang mga dating opisyal at agent ng NBI.

Bunsod nito, naniniwala si Aguirre, ang pagpapalutang kay Edgar Matobato na umaming miyembro ng Davao Death Squad, ay desperadong hakbang ni De Lima para mapahupa ang mga masisiwalat laban sa senadora.

(LEONARD BASILIO)

About Hataw News Team

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *