MEDYO napapangiti tayo nung Linggo nang mapanood natin ang tatlong games sa basketball na inaabangan natin.
Daig pa ang pinagtiyap kasi. Parang sinadya.
Nagsimula ang nakakatuwang pangyayari nang mapanood natin nung umaga ang laban sa Rio Basketball sa pagitan ng Brazil at Argentina.
Naging balikatan ang nasabing laban at nagtapos ang laban sa DOUBLE OVERTIME.
Nanalo sa nasabing laro ang Argentina.
Nasiyahan tayo sa nasabing laban dahil punung-punto ng excitement.
Hindi ko akalain na may karugtong ang kasiyahang iyon nang sa araw na iyon ay napanood ko ang 1st Game sa PBA sa pagitan ng Globalport at Meralco.
Akalain mo bang nagtapos din ang larong iyon sa DOUBLE OVERTIME? Nagwagi sa nasabing laro ang Globalport.
Whew. Parang pinagtiyap noh? Double overtime din.
Pero mas lalo akong napa-wow nang mapanood ko ang 2ndGame sa PBA sa pagitan ng San Miguel Beermen at Ginebra San Miguel.
Nagtapos din ang nasabing laro sa DOUBLE OVERTIME!
Sobra-sobra ang excitement di ba? At bihirang mangyari ang mga ganoong pangyayari.
0o0
Habang sinusulat natin ang kolum na ito ay nasa meeting sa PHILRACOM ang kolumnista nating si Rekta.
Naroon po si Rekta para magmasid sa formal inquiry na binuksan ng Philracom tungkol sa isinulat ng ating kolumntista sa kuwestiyunableng pagkatalo ni MR. UNIVERSE na sinakyan ni Jockey Apoy Asuncion laban sa nanalong si Magical Bell noong Agosto 7.
Kung ano man po ang kalalabasan ng nasabing inquiry ay ilalahad natin sa mga karerista na sumusubaybay sa kolum na Rekta.
Abangan po ninyo iyon.
SUNDOT KUROT – Alex L. Cruz