ISINUKO sa National Bureau of Investigation (NBI) ng isang jeepney driver ang dalawang kilo ng shabu, nagkakahalaga ng P10 milyon, iniwan sa kanyang sasakyan ng hindi nakilalang pasahero noong Hulyo 23 sa Bacoor, Cavite.
Iniharap ni NBI-AIDD chief, Atty. Joel Tovera sa mga mamamahayag ang jeepney driver na si alyas Joel.
“Nakatulog ‘yung lalaking pasahero, tapos nang makarating kami sa terminal, sinabihan ko siya na nasa terminal na kami, bigla siyang nag-panic tapos nagtatakbo, inihabol ko ‘yung kahon ng Zesto pero hindi niya pinansin, kaya iniuwi ko na lang sa bahay namin kasi akala ko juice lang, pero kinabahan ako nang buksan ko at nakitang shabu,” ayon kay Joel.
Sa takot na tuntunin siya ng sindikato, ipinasya ni Joel na ialis ang kanyang pamilya sa Cavite sa dinala sa malayong lugar ngunit iniwan sa kanyang bahay ang shabu.
Ayon kay Joel, sa NBI niya ipinasyang mag-report dahil ito lang ang naisip niyang ahensiya ng gobyerno na maaari niyang pagkatiwalaan.
Nabatid sa NBI, posibleng ang iniwang shabu ay galing sa sindikato na una na nilang nabuwag dahil sa pamamaraan ng packaging.
Sinabi ni Tovera, dahil mahigpit ang kampanya ng mga awtoridad laban sa droga, nag-iiba-iba ng paraan ang mga courier kung paano nila maihahatid ang shabu.
Gayonman, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng NBI sa naturang insidente.
Nagpahayag ng paniniwala ang NBI sa kuwento ni Joel makaraan ang isinagawang background check sa pagkatao ng jeepney driver.
( LEONARD BASILIO )