SUBIC, ZAMBALES – Dalawa katao ang patay, kabilang ang opisyal ng electric cooperative, habang kritikal ang mayor ng isang bayan sa Zambales, at isa pang biktima makaraan sumalpok ang sinasakyang Mitsubishi Strada pick-up sa shuttle bus kahapon ng umaga sa bayang ito.
Ayon kay Subic PNP Station chief, Chief Insp. Leonardo Madrid, ang dalawang namatay ay sina Manuel Rodriguez, director ng Zambales Electric Cooperative (ZAMECO II), at Arlan Pascasio, driver ng Mitsubishi Estrada (HBE 549), kapwa idineklarang dead on arrival sa San Marcelino District Hospital.
Samantala, nakaligtas sa kamatayan sina San Marcelino Mayor Elvis Soria, 52, at Ernesto Cudia, kapwa inoobserbahan sa Baypointe Hospital sa Subic Bay Freeport dahil sa malubhang pinsala sa kanilang katawan.
Sa paunang pagsisiyasat ni PO3 Laron ng Subic Police, sakay ng naturang Estrada pick-up sina Soria kasama ang tatlo pang biktima dakong 1:30 pm kahapon patungong norte sa San Marcelino.
Nang makarating sa Pamatawan Bridge sa Brgy. Pamatawan, Subic, isang south-bound Daewoo shuttle bus ng Hanjin Shipyard (AKA 5482) at minamaneho ni Noly Ebidag Jr., 36, ng Lucapon, Sta. Cruz, Zambales, ang humahagibis na kumabig sa kabilang linya at tuluyang sumalpok sa kasalubong na Estrada.
Sanhi nang pagsalpok, parang papel na nawasak ang katawan ng Estrada.
Ayon sa pulisya, nangangamoy alak pa si Edibag nang maaresto.
Nabatid sa impormasyon, una nang inireklamo ng ilang vendor si Edibag makaraang banggain ang ilang maliliit na tindahan sa tiangge sa bayan ng Castillejos.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, serious physical injuries at damage to property.
( CLAIRE GO )