Serial rapist na UV express driver arestado
Hataw News Team
June 16, 2016
News
INARESTO ng mga awtoridad ang driver ng colorum na UV Express shuttle, suspek sa panggagahasa sa dalawang babae sa loob ng kanyang van sa Quezon City nitong nakaraang Linggo .
Ang mga biktima, edad 22 at 27 anyos, ay sumakay sa van sa kanto ng Quezon Avenue at EDSA, Biyernes ng gabi.
Nagdeklara ang driver at kanyang kasabwat ng holdap at nang sumapit sa Batasan Hills, iginapos nila ang mga biktima at kinulimbat ang alahas at pera.
Sa ulat, halinhinang ginahasa ng mga suspek ang mga biktima habang bumibiyahe sa Caloocan patungong Bulacan.
Ibinaba ng mga suspek ang mga babae nang nakagapos sa Sauyo Road, Quezon City, Sabado nang umaga.
Natukoy ng pulisya ang van driver na si Wilfredo Lorenzo, sa pamamagitan ng CCTV footage ng kanyang van sa Caloocan at Sauyo Road.
Inaresto ng mga awtoridad si Lorenzo habang nagsasakay ng pasahero sa Commonwealth Avenue nitong Lunes.
Narekober ng mga pulis sa kanyang van ang isang plastic sachet ng shabu. Positibo sa paggamit ng droga ang suspek.
Kinilala ang suspek ng mga biktima sa Camp Caringal nitong Miyerkoles.
Galit na sinugod ng dalawang babae at ng kanilang pamilya ang suspek ngunit inawat sila ng mga pulis.
Umapela ang mga biktima kay Incoming President Rodrigo Duterte na tuparin ang kanyang pangako na ibabalik ang bitay bilang parusa sa karumal-dumal na krimen.
“President, kailangan namin ng tulong ninyo. Wala nang dapat mabuhay na ganyan, maraming mabibiktima. Kaya kong manindigan, patayin n’yo lang siya,” pakiusap ng isang biktima.
Samantala, sinabi ni Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) chief, Insp. Rodel Marcelo, naglabas na ang pulisya ng cartographic sketch ng kasabwat ni Lorenzo na kinilalang si alyas Buddy.
Naniniwala si Marcelo, ang mga suspek ay maaaring nasa likod ng katulad na kaso sa Makati City at sa lalawigan ng Rizal.
“We understand na sa ibang lugar din, sa Rizal, sa Makati, ganitong modus operandi rin ‘yung ginagawa. May mga kaso tayo na unsolved na nanininiwala ako na sila rin ang may kagagagawan,” aniya.
Si Lorenzo ay kinasuhan ng rape, robbery at possession of illegal drugs.