Kampanya ng pulisya kontra krimen
Robert B. Roque, Jr.
June 14, 2016
Opinion
HINDI maitatanggi na lalong tumitindi ang kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa krimen sa bansa.
Sunod-sunod ang pagsalakay ng pulisya sa mga gawaan o imbakan ng shabu. Milyon-milyong pisong halaga ng ilegal na droga ang kanilang nakompiska, bagaman wala tayong nabalitaan na malaking isda o drug lord silang nahuhuli.
Kabi-kabila ang raid ng PNP na nagresulta sa pagkasawi ng mga nagbebenta ng droga at pinaka-wanted na kriminal mula noong Enero.
Ang panibagong sigla ng PNP sa pagpapatupad ng batas at pagtugis sa mga kriminal ay matagal na sana nilang ginawa.
Pero isinagawa nila ito sa panahon na nagbitiw ng pangako si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa kampanya na tatapusin niya ang krimen, droga at katiwalian sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ng kanyang panunungkulan bilang pangulo.
Posibleng ang tapang ng tigasing susunod na pangulo ang dahilan kaya lumakas ang loob ng mga pulis na pag-ibayuhin ang laban sa kriminalidad.
Pero ang tingin ng iba ay sumipsip nang maaga ang pulisya bago maupo bilang pangulo ang nanalong si Duterte.
Hindi lang naman mga pulis ang nagsisipag dahil kahit mga opisyal ng barangay ay kanilang katulong sa pagpapatupad ng mga ordinansa na dati-rating binabalewala.
Halimbawa na rito ang pagbabawal sa pag-iinuman sa pampublikong lugar, paglabas ng bahay na walang suot na T-shirt at curfew sa menor-de-edad.
Sunod-sunod ang kanilang nahuhuli sa paglabag ng naturang mga ordinansa mula nang manalo si Duterte. Noon ay hindi ito maipatupad nang husto ng mga pulis, dahil umiiwas silang magalit ang mga lokal na opisyal na umaasa sa boto ng kanilang nasasakupan.
Pero sa harap ng isang matapang na pangulo na may lakas ng loob na ipatupad kung ano ang tama at iwaksi ang mali kahit na ito ang nakaugalian, ay biglang naghigpit ang mga pulis at opisyal ng barangay.
Ngunit kapuna-puna na marami rin itinapon na katawan ang natatagpuan sa Metro Manila at ilang mga lalawigan na biktima ng “salvage” o “summary execution” ng pinaghihinalaang vigilante.
May maliliit na karatula sa kanilang katawan na nagsasabing, “Hwag tularan, drug pusher ako” o “Hwag tularan, holdaper ako.”
Iniimbestigahan daw ito ng pulisya at hinihingi ang tulong ng publiko upang matukoy kung sino ang nasa likod ng mga pagpatay.
Gayon man, alalahanin na huli na para matukoy kung holdaper o pusher nga ang naturang mga suspek dahil pinaslmaimbestigahan. Ito ay dapat tuldukan bago pa magtuloy-tuloy bilang kalakaran.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.