‘Drug lord’ sa Region 12 patay sa raid
Hataw News Team
June 9, 2016
News
GENERAL SANTOS CITY – Patay ang No. 1 most wanted sa watchlist ng Regional Special Investigation and Detection Team (RSIDT-12) makaraan lumaban sa isinagawang raid ng mga awtoridad sa Brgy. Sinawal, General Santos City kamakalawa.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Oscar Noel Jr. ng RTC 11 Branch 35, sinalakay nang pinagsamang puwersa ng pulisya sa pangunguna ni RSIDT-12 Chief Police Supt. Maximo Sebastian, ang ilang bahay sa lugar target ang napatay na si Conrado Medino alyas Cocoy, 40, at apat mga kaanak kasama ang kanyang ina at anak.
Lumaban at nagpaputok ng baril si Medino laban sa pulisya.
Bunsod nito, natadtad ng tama ng bala si Medino na isinugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.
Narekober ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang basyo at isang kalibre .45 baril, dalawang sachet ng shabu, mga drug paraphernalia at walong motorsiklo.
Habang sa bahay ng kanyang mga magulang ay narekober ang isang maliit na sachet ng maliliit na kulay asul na mga kristal, at cash na mahigit P300,000.
Pinasok rin ang mismong bahay ni Medino na napalilibutan ng CCTV camera.
Narekober dito ng mga awtoridad ang ilang electronic devices, drug paraphernalia, limang malalaking sachet ng shabu na may bigat na 260 grams, at may katumbas na halagang mahigit P3 milyon.
Ayon kay Supt. Sebastian, matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad si Medino na kanilang ikinokonsiderang drug lord, dahil sa kasong kaugnay sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ngunit napag-alaman na mayroon siyang protector mula sa hanay ng pulisya, bagay na kasalukuyang inaalam at kinikilala ngayon.
Hindi naabutan ng mga awtoridad ang dalawa pa sa mga target habang may ilang indibidwal na hinuli at kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya.