SSS pension hike veto override idudulog kay Duterte
Hataw News Team
June 7, 2016
News
NANAWAGAN sina Bayan Muna party-list Reps. Neri Colmenares at Isagani Zarate kay President-elect Rodrigo Duterte na magdeklara ng suporta sa override resolution para maisantabi ng Kongreso ang veto ni Pangulong Benigno Aquino III sa SSS Pension Hike Bill.
Ayon sa dalawang mambabatas, nagpapasalamat sila sa pagpabor ni Duterte sa dagdag SSS pension dahil nagpapakita nang pagkakaiba kay Pangulong Aquino.
Sinabi ni Colmenares, malaki ang magagawa ni Duterte para matulungang mailusot ang override bill bago magsara ang 16th Congress ngayong linggo.
Naniniwala silang maaaring mahatak ng halal na pangulo ang mga bago niyang kaalyado sa Kamara para makuha ng override resolution ang sapat na bilang upang maaprubahan ang pagpapawalang bisa ng veto ni Pangulong Aquino.
Ito anila ang pag-asa lalo na ng senior citizens na pensiyonado ng SSS para makatikim nang inaasam na dalawang libong dagdag pensiyon kada buwan.
Sa huling bilang, nasa 120 na ang mga kongresistang pumirma sa override resolution, malayo pa sa kailangang 192 lagda ng mga kongresista.
SSS pension veto override malabo na — Palasyo
NANINIWALA ang Malacañang, malabo nang maihabol sa kasalukuyang Kongreso ang resolusyong isinusulong ng ilang kongresista para ma-override ang pag-veto ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa SSS pension hike bill.
Sa nasabing panukalang batas, tataas ng P2,000 ang buwanang pensiyon ng lahat na retiradong mga miyembro ng Social Security System (SSS).
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, patapos na ang kasalukuyang Kongreso at gahol na rin sa oras para makakuha nang kinakailangang numero.
Ayon kay Coloma, maaaring magpasa na lamang ng bagong batas ang 17th Congress para mapagbigyan ang naudlot na dagdag pensiyon.
Magugunitang ibinasura ni Pangulong Aquino ang panukalang batas dahil sa rekomendasyon ng SSS na nagsabing hindi kakayanin ng ahensiya hangga’t hindi tinataasan ang kontribusyon ng mga miyembro.
“‘Yung sinasabing override, kung ‘di ako nagkakamali, ang konsepto niyan ay puwede lang mag-override doon sa, within the same term of the Congress. E tila patapos na yata yan ‘no. Siguro kapag ipinasa nila, hindi na ‘yun override, panibagong batas na ‘yung ipapasa nila,” ani Coloma.