Media maging matapang sa pagharap sa bagong admin — ALAM (Maging kritikal at ‘wag matakot!)
Hataw News Team
June 7, 2016
News
NANAWAGAN ngayon si Alab ng Mamamahayag (ALAM) President Jerry Yap sa hanay ng media partikular sa mga nagko-cover kay incoming President Rodrigo “Digong” Duterte na maging kritikal sa pagkuha ng balita na may kaugnayan sa bagong administrasyon.
“Hindi dapat magpa-bully ang mga reporter na nagko- cover kay Digong! Hindi dapat matakot, ang kailangan ay magtanong tayo nang higit na maayos, matalas at matapang para sa katotohanan,” paliwanag ni Yap.
Ibinigay ni Yap ang pahayag matapos ang sunod-sunod na ginawang ‘pag-atake’ ni Duterte sa mga miyembro ng media nitong mga nakaraang araw, at maging ang pag-ban sa ilang reporter na dapat ay magko-cover ng kanyang thanksgiving party sa Crocodile Park sa Davao City nitong Sabado.
Hindi katanggap-tanggap sa hanay ng mga mamamahayag, ayon kay Yap, ang pahayag ni Duterte na ayos lang mapatay ang mga miyembro ng media kung sila ay corrupt.
Lalo pang mapait sa panlasa ang ginawang ‘pagsipol’ ng incoming president kay GMA-7 reporter Mariz Umali.
“Gawin natin ang dapat gawin – ang ibalita ang katotohanan – na inaasahan ng publiko sa bawat isa sa atin,” pahayag ni Yap.
Dapat din magkaisa ang bawat mamamahayag at proteksiyonan ang hanay laban sa maaari pang pambu-bully, na sinasadya man o hindi, ay maaaring mangyari sa ilalim ng administrasyon ni Duterte sa susunod na anim na taon.
Bagamat sinabi ni Duterte, na magiging maingat na siya sa kanyang mga pagsasalita at pagpapahayag sa publiko pagkatapos niyang manumpa sa Hunyo 30, naniniwala pa rin si Yap na dapat ay maging mahigpit na mapagbantay ang mga taga-media.
“Nananawagan ako sa lahat ng media organizations at sa lahat ng miyembro ng media na magkaisa tayo at bantayan ang ating hanay sa anumang pangyayari sa ilalim ng bagong administrasyon,” pahayag ni Yap.